Nagkita sa farewell at thank you party ng isang public affairs show ang dalawang magagaling na journalists na parehong involved sa program, pero nag-dedmahan ang dalawa. Lagus-lagusan ang kanilang tingin at nabingi sa boses ng bawat isa at parang napakalaki ng venue ng party para hindi sila magkita.
Halata ang effort ng bawat isa na hindi magkatinginan at ‘di mag-krus ang landas at successful sila dahil never silang nagkasalubong man lang sa buong oras ng party.
Matindi ang conflict ng dalawa noong nagkasama sila sa isang network at rason para umalis at mag-resign ang isa sa kanila. Magkaaway na ang turingan nila ngayon na sayang dahil pareho silang magaling at magkakatulungan sana.
* * *
Inggit na inggit kay Lovi Poe ang mga kaibigang artista dahil may access siya at talagang nakalapit sa RnB royalty na si Usher na nag-concert dito kagabi. Mula sa pagsalubong sa airport kasama si Lovi, nalapitan, nakamayan at nakasama pa siya sa party na ibinigay ng Fearless Productions sa singer.
Lahat nang nangyari sa kanya na may kinalaman kay Usher ay na-tweet ni Lovi at katuwa ang reaction ng kanyang mga kaibigan sa tweet niyang nahihiya siyang magpakuha ng picture rito. Ang payo ng mga kaibigan ay ‘wag na siyang mahiya’t magpa-picture na siya na kanyang ginawa at ipo-post daw niya sa Twitter ang nasabing picture.
Natawa kami sa isa pang tweet ni Lovi na “we’re f——g drinking with Usher! Oh, my gosh!” Nauna rito, nabanggit din ni Lovi na nag-check in siya sa Shangri-la Edsa, kung saan naka-billet si Usher at tiyak din na nasa VIP ang ticket niya sa concert nito. (Dyowa ni Lovi ang isa sa producer ng concert - si Rep. Ronald Singson. Pero panay ang deny ni Lovi na boyfriend niya ang nasabing congressman. - SVA)
Samantala, ibinalita ng manager ni Lovi na si Leo Dominguez na dalawa ang entries ni Lovi sa 2010 Cinemalaya at ito’y ang Sigwa sa direction ni Joel Lamangan na ang gala screening ay this Saturday, 8:30 p.m. at ang Mayohan sa direction ni Dan Villegas na July 11, 9:00 p.m., naman ang gala screening sa CCP Main Theater.
Tinatapos din ni Lovi ang Whitehouse sa Regal Films at sa TV, napapanood siya sa Party Pilipinas at Show Me Da Manny at magtatambal sila ni Rocco Nacino sa Lovebug.
* * *
Nanghingi kami kay direk Francis Pasion ng invites sa gala premiere ng pelikula niyang Sampaguita, National Flower na gagawin sa CCP Main Theater sa July 12. Ang ticket design at poster ay mala-Unicef card, kaya mai-imagine na ninyo na maganda, poster pa lang.
Saka, naniwala kami sa sinabi ni Atty. Joji Alonzo na mag-iiba ang pananaw namin sa Tomas Morato at sa mga sampaguita vendor ‘pag napanood namin ang pelikula at pang-engganyo rin ang statement niyang perfect na ‘pang SONA ni P-Noy ang tema ng pelikula.
Second movie palang ito ni direk Francis Xavier Pasion na director din ng Jay na sobra naming nagustuhan. Low-profile si direk Francis, 31 years old at Communication major sa Ateneo de Manila at nagtuturo rin ng Independent Film in the same university. Sa sobrang kasimplihan nito, hindi namin nakilalang director at ipinakilala pa ni Atty. Joji sa press.
Si direk Francis din ang director ng Gimik 2010 sa ABS-CBN at magdidirek ng Your Song (Maling Akala) na tampok sina AiAi delas Alas at Kim Chiu.
* * *
Maliban sa shooting schedule na hindi naiwasan, hindi naging problema ni direk Wenn Deramas ang exposure at billing nina Judy Ann Santos at Sarah Geronimo sa Viva Films movie na Hating Kapatid na showing sa July 21.
“Hindi ko naging problema ang exposure nila dahil naging maganda at maayos ang shooting ko sa dalawang artista na secure sa kanilang kinalalagyan at ‘di insecure. Hindi ako nakialam sa billing. Sa trailer lang ako nangialam na dapat lumabas ng maganda at ang script ay siniguro naming walang magrereklamo,” sabi ni direk Wenn.
Tiniyak ni direk Wenn na panonoorin ang pelikula dahil lahat ng elements ng isang magandang pelikula ay narito, magagaling ang kanyang mga artista at may chemistry ang mga bidang sina Judy Ann at Sarah.