Two Funerals kasama sa Director's Showcase

MANILA, Philippines - May kasiyahan ba sa mga libing? Ang mga Pinoy kasi kahit nagdadalamhati ay nagagawa pang tuma­wa o magpatawa. Nakakatulong pa ito kung minsan para mabawasan ang paghihinagpis ng namatayan.

Ano kaya ang mararamdaman kung ang mis­mong kabaong na kinalalagyan nang namatay na mahal sa buhay ay naipagpalit sa iba? Ito ang prob­lema at magiging sentro ng istorya sa pelikulang Two Funerals na kalahok sa 2010 Cine­malaya Film Festival and Competition na magsisimula ngayong Sabado, Hulyo 10, sa Cultural Center of the Philippines (CCP).

Nataon sa Mahal na Araw at kainitan din ng kam­panya sa eleksiyon, nagbiyahe ang karakter na gina­­gampanan ni Tessie Tomas papuntang Tugue­garao, Cagayan para kunin ang mga labi ng anak na namatay sa Matnog, Sorsogon. May nagkamali kasi at doon humantong ang kabaong. 

Kasama ni Tessie ang fiancé ng anak na gina­gampanan ni Xian Lim. At laking gulat nila nang marating ang Matnog. Walang nagluluksa sa mga taga-Matnog sa mga patay nila at wala silang paki­alam kahit may nagkapalit man na kabaong. Kung nag-iiyakan at puro dasal ang ritwal sa Tugue­garao, sa Matnog ay may kantahan, saya­wan at sugalan pa!

Ang Two Funerals na idinidirek ni Gil Portes ay isa sa limang kalahok na pelikula sa Director’s Showcase ng Cinemalaya, ang bagong kategorya para sa mga direktor na may tatlong pelikulang nagawa.

Ang konsepto ay nakuha ni Direk Gil sa isang tabloid news na may nagkapalit na funeral parlor ilang taon na ang nakakaraan.

Nagpapasalamat naman ang direktor sa executive producer na si Dulce D’Bayan sa tu­long-pinansyal nito upang mabuo ang Two Funerals.

Ang Cinemalaya filmfest ay tatakbo hanggang July 17 sa CCP at may special gala night sa July 15 sa CCP Main Theater.

Show comments