Hindi mapalagay at tensiyonada, Mariel parang galit sa mundo
Parang galit sa mundo nang dumalo si Mariel Rodriguez sa presscon ng horror movie ng Star Cinema na pinamagatang Cinco. Kasama siya sa isa sa limang nakakatakot na episode ng movie na dinirek ni Nick Olanka.
Sa Q&A portion ng presscon na kung saan tinatanong ang cast ng press ng tungkol sa pelikula, isang personal na tanong ang nakalusot sa isang hindi nakapagpigil na miyembro ng media gayung bago nagsimula ang presscon ay nakiusap na ang mga namamahala na huwag magtanong sa mga artista ng walang kinalaman sa pelikula. Marahil dahil andun din sa presscon ang ex dyowa ni Mariel na si Zanjoe Marudo, kung kaya patungo na sa isyu ng kanilang naging relasyon ang tanong nang si Pokwang ang sumagot sa tanong na kay Mariel patungkol. Medyo nanaray ang lola mo (Mariel) na sa simula pa lamang ng presscon ay parang hindi mapalagay at tensiyonada at palaging nakairap.
Nag-react ako sa nakita ko pero, sinabi ng katabi ko na maski na sa Wowowee ay parang palaging magkagalit ang dalawa. Bakit, dahil minsan ay nag-comment si Pokwang ng tungkol sa pagti-text nina Mariel at Robin Padilla?
Mabalik ako sa presscon ng Cinco, hanggang sa katapusan ng presscon ay hindi nawala ang kabalisahan ni Mariel. Pero bukod sa kanya ba’t kaya parang tahimik at malungkot din si Maja Salvador? Sila Maja at Rayver Cruz ang tampok sa episode na dinirek ni Ato Bautista, ang Mata.
Puso naman ang episode nina Pokwang, Zanjoe Marudo at Bangs Garcia. Sa episode na ito nagkaroon ng kissing scene sina Zanjoe at Pokwang. Tumatanggi sana si Pokwang pero hindi pumayag ang director nila na si Cathy Garcia Molina. Sa halip, sinabihan nito si Zanjoe na biglain ang paghalik sa komedyante kaya hindi na ito nakatutol. First screen kiss ‘yun ni Pokwang.
Magi-enjoy naman ang mga bagets at maski na ang mga badash (bakla) dahil sa episode nila na Braso, naka-boxer shorts lang at bikini tops ang Gigger Boys na sina Sam Concepcion, Robbie Domingo at AJ Perez. Tungkol sa initiation ng fraternity ang istorya na kung saan ikinulong sa isang morgue ang tatlong bagets. Direktor si Frasco Mortiz.
Panlimang episode ang Paa na nagtatampok kina Jodi Sta. Maria at Barbie Sabino bilang mag-ina. Unang pagdidirek ito ni Enrico Santos.
Kahit limang magkakaibang kuwento ang tinatalakay sa Cinco, magkakadugtong ito at tumatalakay sa limang kasalanan na kailangang pagbayaran ng limang tao. Palabas na sa Hulyo 14, sa mahigit sa 100 sinehan nationwide.
* * *
Nakakaugalian na sa mga presscon na pagbawalan ang movie press na magtanong sa mga artista ng mga walang kinalaman sa pini-presscon, ma-pelikula man o TV show.
Naiintindihan ko ito dahil baka nga naman mawala sa focus ang presscon at makaagaw pa ng pansin ang mga isyu na hindi makatutulong para sa promosyon ng anumang proyekto na pini-presscon. Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit kahit sa one on one ay bawal pa ring tanungin ng personal ang mga artista, eh naghahanap ng pang-title ang mga movie writers at hindi puwedeng puro press release ang isulat nila.
Ganito ang nangyari kay Rayver Cruz sa presscon ng Cinco. Sa Q&A pinakiusapan ang media na huwag siyang tanungin tungkol kay Sarah Geronimo, bukod sa hindi kasama ang Pop Princess sa pelikula ay kasama ito sa cast ng isang pelikula na makakatapat ang showing sa Cinco.
Hindi rin puwedeng pag-usapan sa presscon ang nangyari kina Zanjoe at Mariel kahit kating-kati nang mang-urirat ang press dahil basang-basa sa mukha ni Mariel at agaw-pansin ang kanyang behavior during the presscon. Kaya nakaagaw ng eksena si Pokwang.
* * *
Sana wala pa sa kamay ni Direk Maryo J. delos Reyes na siyang bagong direktor ng Pilyang Kerubin, ang parang napakagulong takbo ng serye.
Binitawan na ni Direktor Andoy Ranay ang pagdidirek ng serye pero wala itong ibibigay na dahilan sa kanyang ginawa.
Isa ako sa humanga sa napakagandang pagsisimula ng Pilyang Kerubin pero sad to say parang hindi ito namintina.
Sana sa pagpasok ni Direk Maryo J. maibalik niya sa maganda pero simpleng takbo ang istorya. Sayang sina Barbie Forteza at Joshua Dionisio.
* * *
Nakakahinayang kung mawawala sa ere ang Diz Iz It! Marami na ang nanonood nito, ito ay sa kabila na natapat sila sa isang programa na mataas ang rating.
Sino ba ang mag-aakalang makakakuha sila ng maraming viewers, eh akala ng lahat kopo na ng kalaban nilang programa ang lahat ng TV viewers pero hindi pala, marami rin ang nanonood ng programa na prodyus din ng producer ng Eat Balaga. Completely, iba ang format nila sa It’s Showtime na nakatutok sa mga sayaw samantalang mas varied ang Diz Iz It! dahil may kantahan, sayawan, acting at games. Tanggap na rin ang napaka-wholesome na personalidad ng mga hosts na sina Sam YG, Grace Lee, Bayani Agbayani at Ehra Madrigal. Komportable ang mga contestants sa kanila at hindi intimidated dahil abot kamay lang sila.
- Latest