I’m sure bibihirang lalaki ang aamin na pangit sila. Ito ang dahilan kung bakit napakaraming lalaki ang sumasali sa mga reality searches, mga lalaking gustong maging artista na parang hindi alam, o ’yung ayaw tanggapin sa kanilang mga sarili, na kahit na sa papel ng kontrabida, magagandang lalaki o guwapo ang hinahanap. Tapos na ang mga araw na ang mga kontrabida ay ’yung may mukhang taliwas o opposite sa mukha ng bida para mas lalong ma-emphasize ang pagiging salbahe o mean.
Maski nga sa mga singing contests, gaano man kaganda ang boses kapag may nakalaban ka na kasing galing mo pero mas guwapo sa iyo, talo ka na.
Ito ang reyalidad ngayon. Uso ang magaganda, mapa-babae man o lalaki ay kailangang may kaaya-ayang mukha, para hindi mapag-iwanan ng mga magaganda. Kahit sa paligsahan ng mga magagandang katawan, kailangang partneran mo ang mapipintog mong masel at abs ng isang magandang mukha. Dahil kung hindi, hanggang sa pagandahan ka na lang ng katawan. Hindi aasenso dahil hindi ka makukuhang artista. At maski na sa mga gym instructors, ang hanap pa rin ay ’yung mga guwapo ha?
Guwapo rin ang hanap ng mga babae para pakasalan, kung maaari nga ay ’yung dayuhan, para magaganda rin ang magiging anak nila.
Pero majority ng mga kalahok na nakita ko sa 2010 Handsome Guy Philippines na iprinisinta sa media nung Linggo ng gabi ay may mga mukha, may dalawa o tatlo na may height din pero ang karamihan ay may sukat na Pinoy, 5’5” hanggang 5’10”.
When you say handsome, ewan ko, pero ang konsepto ko ng handsome ay ’yung tall and fair, puwedeng dark pero tatalunin siya nang nakapikit ng medyo maputi o mestiso.
I was surprised to see among the crowd ang sikat na direktor na si Maryo J. delos Reyes. Akala ko pa nga, naghahanap siya ng artista, ’yun pala ay may dalawa siyang protégé na kasali sa paligsahan, sina Carlos Pitogo at isang ’di ko na matandaan ang name.
May isang contestant na akala ko ay bisita lamang sa bansa dahil may banyagang pangalan, Hiroyuki Z. Kuroki, pero half-Pinoy siya, ang ama ay isang Japanese.
Impressed ako sa kalahok na si Bryan Benedict Anastacio, may sukat na 5’9” at graduate ng BS Tourism ng FEU na magna cum laude. Isa siyang ramp model na sumusubok muna sa ibang field para makakuha ng experience, ma-boost ang self-confidence bago siya mag-join sa corporate world.
Eleven years na ang pakontes para sa mga magagandang lalaki na pinatatakbo ng Golden Empire Talent Management and Entertainment Services. Natigil lamang ito ng mga anim na taon nang lumahok sa pulitika ang namumuno ng Golden Empire na si Zachary Barlahan.
Magaganap ang finals sa Music Museum sa Agosto 26, 7:00 ng gabi.
* * *
Matapos ang pinag-usapang pamamaalam ni Kris Aquino sa The Buzz, ang pinagbibidahang palabas naman niya, ang Kung Tayo’y Magkakalayo (KTM), ang nasa huling linggo nito sa ABS-CBN.
Marami ang kinurot ang puso sa madamdaming mensahe na ibinigay ni Kris noong huling araw nito sa The Buzz. Inihayag niya noon pa man na sa duration ng pagkapangulo ni Noynoy Aquino, mamamaalam siya sa mga programang maaaring maging sanhi ng kontrobersiya sa kanyang kapatid.
Samantala, para sa kanyang primetime series na nasa huling yugto na, hindi naiwasan ni Kris na alalahanin ang kanyang mga karanasan noong nagti-taping pa sila kasama ang staff at crew ng KTM.
Pahayag ni Kris: “Mami-miss ko talaga ’yung bonding namin ng buong cast sa set. We’ve grown close with each other kasi ang tagal talaga naming magkakasama sa set. It’s an experience that I would carry throughout my lifetime. The lessons I got from our directors, co-stars, and staff are priceless,” sabi niya.
Ngayon na tinalikuran na niya ang pagho-host ng mga celebrity talk shows at inihayag ang tunay na estado ng kanyang relasyon sa asawang si James Yap, tiyak na isa na namang bagong kabanata ng buhay ang kanyang papasukin.