Limang 20 minutong pelikula ang kasalukuyang inihahanda ng isang grupo ng mga bagong director para sa Star Cinema. Pinamagatang Cinco, isa itong koleksiyon ng mahigit sa isa’t kalahating oras na katatakutan na nakatakdang mapanood sa Ika-14 ng Hulyo sa mga sinehan. Magkakadugtong ang limang kuwento kaya nararapat na panoorin ang pelikula ng buo.
Isa sa limang nakakatakot na kuwento ay ang Paa na nagtatampok kay Jodie Sta. Maria. First directorial job ito ni Enrico Santos, ang nasa likod ng mga matatagumpay na programa ng ABS-CBN tulad ng Dyosa, Ligaw na Bulaklak, Habang May Buhay, Kung Fu Kids at Super Inggo.
Kasama ni Jodie na magbibigay buhay sa kuwento ng Paa si Barbie Sabino, gaganap na anak niya sa pelikula at si Shamaine Centenera.
First horror movie ito ni Jodie, pero nakagawa na siya ng ganitong klaseng nakakatakot na kuwento sa TV, ang Patayin sa Sindak si Barbara. Dun siya ang nananakot pero dito, siya ang tatakutin.
Inamin niya na hindi horror ang comfort zone niya kundi drama pero bilang isang artista kailangang makaya niyang gampanan ang lahat ng role na ibigay sa kanya. Nung unang ialok sa kanya ang Paa, kinakabahan siya pero tinanggap pa rin niya dahil magsisilbi itong isang malaking hamon sa kanya.
“Pinag-usapan namin ni Direk Enrico ang role, klinaro ko ang mga dapat kong gawin. Pasensiyoso siya at magaganda ang mga ideya. Binigyan niya ako ng freedom to interpret my character in the film.
“Willing akong i-try lahat bilang aktres. Puwede rin akong mag-sexy, kung gaano ka-sexy depende ‘yun sa role at sa kung ano ang makakaya kong ibigay,” sabi ng aktres na sa kabila ng pagiging isang asawa at ina ng tahanan ay nagagawa pa ring ipagpatuloy ang kanyang pag-aartista. Meron din silang negosyong mag-asawa na kumakain ng kanyang oras. Sa pamamagitan na mahusay na pagsasaayos ng kanyang schedule, nakakaya niyang gampanan ang lahat.
* * *
Muli, ipamamalas ni Alessandra de Rossi ang dahilan kung bakit paminsan-minsan na lamang lumalabas ang kanyang kapatid na si Assunta pero siya ay kabi-kabila pa rin ang tinatanggap na assignments. Although both sisters are good actresses malas na na-type-cast si Assunta sa mga sexy roles samantalang ang less sexy niyang kapatid has been portraying sexy roles, too, without baring her body.
Ngayong gabi, sa isang episode ng Maalaala Mo Kaya, gaganap bilang isang police asset si Alex, Kinailangan niyang iwan ang kanyang pamilya dahil sa kanyang trabaho. Dito makikita ang mga problemang kinakaharap hindi lamang ng may trabaho tulad ng sa kanya kundi maging ng kanyang pamilya. Hindi lamang ang pagsasama nila ng asawa niya ang nasasakripisyo, napapabayaan din niya ang kanyang anak.
* * *
Para namang walang kainte-interes ang mga movie producers na gumawa ng pelikula para sa Metro Manila Film Festival. Sa walong pelikula na napili para makasama sa 2010 MMFF parang apat lamang ang gagawin ng mga malalaking prodyuser, ang Agimat ni Enteng na pagtutulungan pang gawin ng GMA Films, MZET, Octo-Arts at Imus Productions, ang Tanging Ina Mo Rin (Last Na Ito!) ng Star Cinema, Father Jejemon ng RVQ Prductions, at ang walang katapusang Shake, Rattle & Roll ng Regal. Ni walang bago, marami ang sequel at may isang revival. Parang mas gusto pa nila na gumawa ng pelikula sa labas ng MMFF dahil mas kikita sila rito.
Sayang dahil hiling pa naman ng mga taga-industriya kay P-noy (President Noynoy Aquino) na dalawang beses magdaos ng filmfest, ang isa ay para sa mga mainstream movies at ang ikalawa ay para naman sa mga digital films. Mabuti na lamang na may isa o dalawang indie movie producers na nakalusot sa MMFF. Maaring mangulelat sila pagdating sa takilya pero ang sigsurado, lalaban sila sa awards.
Ngayong may bagong pangulo, baka bumalik ang interes ng lahat kapag naisoli ang pagpapatakbo ng MMFF sa mga taga-pelikula.