Nakaayos Bianca, ang school girl na iniwan ang pag-aaral sa kasusunod sa Korean pop star na si Kim Min Yung (Ogie Alcasid) si Michael V. sa presscon ng Hole in the Wall na balik-ere na starting Monday, bago ang Langit sa Piling Mo.
Isa lang ang Bianca karakter na gagawin ni Michael V. sa game show at abangan daw ang weekly na pagpapalit nila ng karakter ni Ogie. May nabanggit pa itong Katrina, Ang Babaing Puta na kanyang gagawin at si Ogie naman ay si Ballman. Tiniyak ng dalawa na hindi lang mga bata ang matutuwa sa kanila at sa game show, pati ang mga isip bata.
Naririnig ni Michael V. na ikinuwento ni Ogie ang partisipasyon sa inauguration ni President Noynoy Aquino kahapon at tinanong namin kundi ba naging isyu sa kanila ng kaibigan na iba ang presidentiable na kanilang sinuportahan?
“Never kaming nagka-conflict at naisip ko ngang baka ninakaw ni Ogie ang ibang ideas ko sa campaign kaya nanalo si Noynoy,” biro nito. “Naapektuhan ako na hindi nanalo si Sen. Manny Villar, we had high hopes at first time kong sumuporta. Baka merong ’di nagawa. Hindi pa kami nagkikita at nagkakausap ni Sen. Villar mula noon.”
Samantala, pinag-react namin si Bitoy sa balitang kinukuha siya ng ABS-CBN para pumalit kay Willie Revillame na host ng Wowowee (itinanggi na ito ni Mr. Bong Osorio).
“Nabasa ko rin sa blind item at ’di ko naman naisip na ako ang tinutukoy dahil walang kumausap sa akin, walang nag-text, no e-mail. Nagbakasyon lang ako sa States at pagbalik ko, may ganung balita na.
“Mabuti kung idinenay na nila at never din naman akong lilipat, at this point, hindi talaga. Walang offer and no deal at all,” paglilinaw ni Michael V.
* * *
Story conference ng pelikulang Rosario this Friday at malalaman natin kung totoong si Dennis Trillo ang makakapareha rito ni Jennylyn Mercado. Na-interview kasi namin si Mark Anthony Fernandez sa taping ng Diva at naikuwentong may movie siyang Rosario ang title at sila ni Jennylyn ang magkatambal.
Baka naman sila ni Dennis ang makakapareha ni Jennylyn sa period movie na balita namin, si Albert Martinez na ang solong magdidirek? Ang alam namin, unang nai-offer kay direk Maryo J. delos Reyes ang project, pero tinanggihan for a very valid reason at sunod naming nabalitaan, sina Albert at Direk Yam Laranas na ang magtutulong.
Ang Rosario ay isa sa eight entries sa 2010 Metro Manila Film Festival (MMFF) and produced by Cinemabuhay of PLDT. Ang ganda ng story nito nang ikuwento ni Albert at tungkol sa isang Carnival Queen. Magastos din ang production nito’t may eksena sa Hong Kong.
* * *
Hindi na lang sa commercial at sa Wachamakulit at Trudis Liit mapapanood si Jillian Ward dahil may pelikula na rin ang bagets.
Siya ang makakasama ni Marian Rivera sa isa sa mga entries ng Regal Entertainment sa 2010 MMFF na Super Inday and the Magic Kabibe. Sa original movie, sina Maricel Soriano at Aiza Seguerra ang magkasama.
Samantala sa Trudis Liit, nagsabunutan sina Trudis at Sugar (Cheska Salcedo) at sasali sa away sina Honey (Pauleen Luna) at Lolly (Gina Alajar).
Tuloy ang operation ng mag-iina na palayasin sa mansion si Trudis, tatakutin siya ng monster na si Lolly pala na naka-mask lang.
* * *
Wala pang official announcement, pero balitang babalik na sa TV si former Vice President Noli de Castro. Pero hindi pa siya uupong newscaster either sa TV Patrol o sa Bandila ng ABS-CBN dahil ang unang babalikan ay ang programa niyang Magandang Gabi Bayan.
Bago maging VP, isa ang Magandang Gabi Bayan sa mga nangungunang programa ng ABS-CBN at tama lang na balikan ito ni Mr. De Castro.