MANILA, Philippines - Mukhang exciting at interesting ang pagsasamahang show nina Mr. Pure Energy Gary Valenciano at Concent King Martin Nievera.
Sa presscon pa lang ng programang Twist and Shout, maaaliw ka na sa dalawang bigateng singer na first time magsasama sa isang programa na never daw pumasok sa kanilang utak na darating ang ganitong pagkakataon.
At kino-consider ni Martin na malaking blessing ito dahil matagal na siyang walang offer as in wala siyang trabaho, unemployed na actually ay may semblance of truth dahil totoo naman talagang matagal na siyang walang regular show except sa pa-concert-concert lang niya abroad.
Si Gary naman on the other hand ay regular host ng ASAP na pinanggalingang programa ni Martin. Pa-concert-concert abroad din si Gary kaya kakaiba ito para sa dating mahigpit na magkalabang singer.
Ngayong meron na silang programa na magkasama, may pagkakataon na doble ang episode na tini-taping nila para ma-accommodate pa rin ang mga concert nila.
Twice a week lang ang taping ng Twist and Shout.
Say ng dalawang singer, hindi issue ang talent fee sa kanila.
Kantahan na may kakaibang twist ang programa.
Makakanta kaya ang Pinoy habang tumatakbo sa treadmill, pinapaikot na parang elesi o di kaya’y nilulublob sa malayelong tubig ang kanyang katawan?
Yup, ganyan ang konsepto ng kanilang programa - susubukan ang kakayahan ng Pinoy pagdating sa biritan sa pinakakuwela at kakaibang singing contest simula ngayong Sabado (July 3).
Watch din ninyo ang paboritong mga celebrities sa pag-try nilang awitin ng maayos ang isang kanta habang sumasailalim sa matitinding distractions o mga panggulo sa kanilang performance.
“I’ve never been a game show host. This is my first time, but I have Martin. I know we’re both going to learn from each other, we’re ready for the challenges. Every episode iba-iba ang mga contestants, so mag-iiba rin ang dating namin ni Martin sa camera,” sabi ni Gary.
“Marami nang game shows na ginawa ang ABS-CBN. But the core element in Twist and Shout is not to try to be a game show and us hosts not to be like Edu Manzano, Cesar Montano or Kris Aquino. We will just be Martin and Gary,” dagdag ni Martin.
Excited ang dalawang hosts sa naiibang format ng show.
Dalawang celebrity teams na may tatlong players ang magpapatalbugan sa tatlong rounds na sasabayan ng nakakaaliw at nakakatawang distractions. Kinakailangan lamang makanta ng player ang awit sa loob ng dalawang minuto para mapagtagumpayan ang round.
Bibigyan sila ng puntos ng mga huradong sina Aiza Seguerra, Jimmy Bondoc at isang weekly guest judge, at ang team na may pinakamaraming puntos ang papasok sa final round na tinatawag na Turn Table.
Kinakailangan lamang tumagal ng nanalong celebrity team sa loob pa rin ng dalawang minuto sa ibabaw ng umiikot na platform habang kumakanta para makuha ang jackpot. Hangga’t may nanatiling nakatayo rito ay hindi titigil ang timer at kapag umabot sila sa itinakdang oras ay mag-uuwi at maghahati-hati ang tatlong masuwerteng studio audience mula sa kanilang panig ng P200,000.
Magsisimula na ngayong Sabado (July 3), 8:45 p.m. ang Twist and Shout at every Sunday sa parehong oras sa ABS-CBN.
* * *
Speaking of Twist and Shout, kakaibang twist ang nangyari sa kanila nang minsang mag-show sila sa Qatar. Hamakin mo raw na nagkapalit sila ng passport na hindi nila sinasadya.
Si Gary nakalusot hawak ang passport ni Martin, kaso pagdating kay Martin hindi siya nakalusot hawak ang passport ni Gary.
Kaya ayun, naiskandalo sila sa eroplano dahil may escort siyang pumasok sa eroplano.
Parang ‘di naman sila magkamukha di ba?
* * *
Mas high tech na ang TV Patrol at Bandila ng ABS-CBN simula bukas. Yup, kasabay ng inauguration ni President-elect Noynoy Aquino.
Magiging high tech na ang dalawang news program ng Dos - augmented reality at touch screen technologies na unang ginamit sa Halalan 2010 election coverage noong Mayo 10.
Mas bubulatlatin ng anchors na sina Ted Failon, Karen Davila, at Julius Babao sa bagong TV Patrol, ang mahahalagang isyu sa paghahatid ng mas maraming investigative reports, mas malalim na pagtalakay sa mga isyung pulitikal ni Lynda Jumilla at panibagong segments tulad ng Sports Patrol.
Meron din bagong segment na Lingkod Kapamilya at balak nilang itaguyod ang isang public service center.
Puwede ring mag-ambag ng sarili nilang ulat sa kakalunsad na Bayan Mo, iPatrol Mo ang viewers na hindi lamang nananawagan ng atensiyon ng kinauukulan kung hindi naghahain din ng konkretong solusyon sa suliranin.
Samantala, malaking pagbabago rin ang ihahatid ng late night newscast na Bandila kasama ang anchors na sina Henry Omaga Diaz at Ces Oreña Drilon.
Kung ito na ang bagong TV Patrol at Bandila, ibig sabihin hindi pa babalik si Ms. Korina Sanchez-Roxas?
Ang kuwento ni Ms. Girlie Rodis, inaayos na nila ang pagbalik ni Mrs. Roxas.
Saan kaya siyang programa mapupunta?