MANILA, Philippines - Bilang paggunita sa ika-60 anibersaryo ng GMA Network, mapapanood ngayong Linggo ang isang bongga at makasaysayang selebrasyon na pinamagatang GMA at 60, The Heart of Television pagkatapos ng Kap’s Amazing Stories sa SNBO.
Labindalawang production numbers na pagbibidahan ng mga naglalakihang Kapuso stars ang mapapanood sa isang gabing puno ng saya at pagbabalik-tanaw. Ang bawat isa ay may espesyal na tema at siyang gugunita sa mga naging kontribusyon ng Kapuso Network sa industriya.
Magsisimula ang presentasyon sa isang musical account na sumasalamin sa mahabang kasaysayan ng GMA simula nang ito’y itatag noong dekada ‘50 hanggang sa maging isa ito sa pinaka-malaki at pinaka-matagumpay na media conglomerate sa bansa.
Susundan ito ng isang nakakatawang theatrical showdown ng mga nakalipas at kasalukuyang gag shows at sitcoms na pinasikat ng Kili-TV Block. Tiyak na mamimilipit sa katatawa ang mga manonood habang isa-isang binabalikan ang mga programang bumubuo sa makulay na GMA Comedy timeline.
Mula sa comedy, sasabak naman ang grupo ng Drama na binubuo ng Telebabad at Sinenovela Block na maghahandog ng isang madamdamin at star-studded na production number. Babalikan ang ilan sa mga di-malilimutang primetime hits na napanood sa Kapuso Station kasama ang mga pinaka-maniningning at tinitingalang bituwin ng drama.
Di naman pahuhuli ang pinakapinagkakatiwalaang GMA News and Public Affairs na may sariling musical presentation tungkol sa 50 taon nitong paghahatid ng balita at pagbibigay ng serbisyong totoo sa bawat Pilipino. Ipapakita rin sa segment na ito ang mga technological advancements at infrastructures na kasalukuyang ginagamit ng GMA sa pamamahayag.
Ilan pang kaabang-abang na highlight ng gabing ito ang isang collaboration ng mga song and dance numbers ng mga homegrown talents ng GMA, isang presentation tungkol sa GMA Pinoy TV at ang lalong lumalawak nitong listahan ng mga bansa kung saan ito napapanood, at ang pinaka-aabangang announcement ng mga nalalapit na Kapuso shows na mapapanood ngayong 2010.