Unahin natin ang good news. Congrats kay Alfred Vargas dahil nanalo siya ng best actor award sa 1st MTRCB Film Awards na idinaos noong Biyernes ng gabi sa Crossroads 77!
Nag-win si Alfred para sa papel na ginampanan niya sa indie movie na Colorum. Very happy ang aking alaga dahil napansin ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang kanyang performance. Si Alfred ang kauna-unahang best actor awardee ng MTRCB Film Awards kaya bahagi na siya ng kasaysayan ng bagong tatag na award-giving body.
* * *
Malakas ang ulan noong Biyernes ng gabi pero hindi ito naging sagabal para hindi matuloy ang awards night ng MTRCB.
Dumalo ang mga invited stars kaya tuwang-tuwa si MTRCB Chair Consoliza Laguardia.
Sina Alfred, Ricky Davao, German Moreno, Jhake Vargas, at ang mag-asawang Yayo Aguila at William Martinez, ang ilan sa mga artista na nagpaunlak sa imbitasyon ni Chair Laguardia.
* * *
Ang pagpapakamatay ni Viveka Babajee ang bad news na natanggap ko kahapon habang papunta ako sa studio ng Startalk.
Si Viveka ang dating Miss Mauritius na nasangkot noong 1994 sa Manila Film Festival scam. Naging bukambibig ang kanyang classic lines na “Take it! Take it!”
Naka-feel ako ng lungkot nang malaman ko ang pagpapatiwakal ni Viveka sa pamamagitan ng pagbibigti niya sa sarili. Kahit saglit, naging bahagi siya ng buhay ko noong 1994 kaya nakikiramay ako sa kanyang mga naulila.
Thirty-seven years old pa lamang si Viveka. Iniimbestigahan pa ng mga pulis sa India ang sanhi ng kanyang pagpapakamatay. Nakatira si Viveka sa India at kilala siya rito bilang supermodel.
* * *
Tinatalo ng Trudis Liit sa ratings ang rival program nito. Cute na cute kasi ang child star na si Jillian Ward kaya kinagigiliwan siya ng mga televiewers.
At least, hindi nagkamali ng desisyon ang GMA 7 management na i-shelve muna ang Bakit Kay Tagal ng Sandali at ipalit dito ang Trudis Liit.
Pinatunayan ni Jillian na totoo ang matandang kasabihan na nakapupuwing ang maliliit.
* * *
Ipinalabas kahapon ng 4:00 p.m. sa mga selected theaters ng SM ang pilot episode ng Endless Love.
Naiintindihan ko na ngayon kung bakit nagkaroon ng special screening sa SM Megamall Cinema 1 noong Miyerkules ang bagong TV series nina Dingdong Dantes at Marian Rivera. Obvious na may tie-up ang SM Cinema at ang GMA 7.
Nagkaroon kahapon ng theater tour sina Marian at Dingdong sa mga sinehan na pinagtanghalan ng Endless Love. Super promote ang dalawa para panoorin ng mga Pinoy ang kanilang drama series na magsisimula bukas, pagkatapos ng Pilyang Kerubin.