MANILA, Philippines - Walang nang makakapigil sa pagbabalik sa TV ni Piolo Pascual. Yup, mag-uumpisa na ang Noah sa ABS-CBN primetime bida.
Matagal nang naiinip ang fans ng aktor. Panay na ang emote nila na parang pinababayaan na ang kanilang idolo dahil after ng Lovers In Paris nila ni KC Concepcion, naging jobless na siya.
Kaya ayan, maliligayahan na sila.
Anyway, malayo na nga ang narating ng career ni Piolo ha.
Sa unang pagganap niya bilang Primo sa pelikulang Mila na bida si Maricel Soriano, naging daan ito para sa marami pang oportunidad sa career ng actor.
Noong 2002, tinanggap ni Piolo ang walong best supporting actor awards mula sa iba-ibang award-giving bodies para sa kanyang pagganap bilang Eliazar Bartolome sa Dekada ’70 kasama sina Vilma Santos at Christopher de Leon.
Ang kanya namang nakabibilib na pagganap sa Lobo ang naging daan para tanghalin siyang Best Actor sa 22nd PMPC Star Awards For Television noong 2008.
Noong nakaraang taon ay gumanap si Piolo bilang William sa indie film na Manila na tungkol sa isang drug addict na gustong buuin ang kanyang mga mahal sa buhay na kahit hindi gaanong kumita ay napansin naman ang kanyang akting.
At habang walang acting job noon si Piolo, naging abala naman siya sa pagkanta.
Yup, palabang singer din siya.
Anyway, gagampanan niya ang karakter bilang Mikael sa Noah, isang pulis na mawawalay sa kanyang anak dahil sa isang aksidente. Makakasama niya dito si Zaijan Jaranilla, ang child wonder na mas kilala bilang Santino. Mula sa isang mala-anghel na bata sa May Bukas Pa, isang naiibang karakter naman ang kanyang gagampanan bilang isang batang lumaki sa gubat sa Noah.
Ang theme song na Kahit Malaho Ka ay kinanta mismo ni Piolo at sinulat ni Ogie Alcasid.
Wala pang timeslot ang Noah.
Si Piolo ang bida rito at hindi totoong support lang siya ni Santino.
* * *
Saang programa sumikat ang linyang ‘Kaya ikaw John, magsumikap ka!’?
Anong awitin ng JoBoxers ang sumikat noong ‘80s?
Sino ang kasama nina Red One, Green Two, Blue Three at Yellow Four sa BioMan?
Yup, mga ganyang klase ng tanong na magbabalik sa mga alaala ng ating buhay-buhay simula Lunes (Hunyo 28) sa Panahon Ko ‘To! Ang Game Show ng Buhay Ko, (PKT) ang pinakabagong programa mula sa ABS-CBN.
Parang exciting dahil wala tayong choice kundi magbalik-tanaw kahit medyo kabataan pa tayo.
Ayon sa hosts nito na sina Luis Manzano at Billy Crawford, bawat tanong dito ay may kaakibat na alaala para sa mga manonood at manlalaro.
“Tayong mga Pilipino kasi mahilig mag-reminisce at sa PKT itong mga karanasan at alaala natin ang magiging susi sa laban kasi ang mga tanong sa show tungkol sa mga bagay, tao, lugar, musika, pelikula, o ideya nitong huling limang dekada,” paliwanag ni Luis.
Kaya naman bawat grupong maglalaro ay may kinakatawang henerasyon, isang edad 13-19, isang 20-45 at isang 46 pataas. Bawat isa sa kanila ay sasagot sa mga tanong o puzzle tungkol sa kani-kanilang henerasyon.
Sigurado naman si Billy na tatangkilikin din ang Panahon Ko ‘To! Ang Game Show ng Buhay Ko gaya ng Pilipinas Got Talent, kung saan unang napanood ang makulit at nakakatuwang tambalan nila ni Luis bilang mga host.
“Kahit saan ka pang henerasyon galing, mag-eenjoy ka sa PKT. Kasi bukod sa maaalala mo ‘yung mga bagay nung panahon mo, matutunan mo rin ‘yung uso nung panahon ng tatay o lolo mo. So parang bonding na rin ‘yung panonood nito,” aniya.
Ang PKT ay mapapanood mula Lunes hanggang Biyernes 5:00 p.m., pagkatapos ng Banana Split Daily Servings sa ABS-CBN.