Jacko mas yumaman nang mamatay

LOS ANGELES – Nagkatotoo ang hinala ng marami na mas yayaman pa ang King of Pop na si Michael Jackson kapag namatay siya.

Bago kasi namatay si Jacko noong Hunyo 25, 2009, baon na baon siya sa utang na umaabot sa $500 milyon at nagkakaproblema sa pera.

Pero tulad ng kapwa singer na si Elvis Presley at Yves Saint Laurent, lumago ang naiwang kayamanan ni Jackson mula nang mamatay siya.

Sinabi ng mga co-executor ng estate o ari-arian ni Jackson na sina John Branca at John McClain, lumago ang kayamanan ng yumaong King of Pop dahil sa kawalan ng maluluhong gastusin at sa tulong na rin ng kinikita sa mga naiwan nitong ari-arian.

Sa ngayon daw, dahil sa paglaki ng kayamanan ni Jackson, nasusuportahan ng kanyang estate ang kanyang naulilang tatlong anak at ang kanyang ina bukod pa sa nakakapag-donasyon pa sa children’s charities.

Sinabi ng mga executor na kumita ng mahigit $250 milyon ang estate ni Jackson sa loob lang ng isang taon mula sa araw ng kanyang pagpanaw.

Dahil dito, nabayaran ng mga executor ang $70 milyong utang ni Jackson kabilang na ang $5 milyong mortgage sa Jackson family compound sa Encino, Los Angeles.

Nababayaran na rin anila ang interests sa natitirang utang.

Ayon sa Sony Music, mahigit 31 milyong album ni Jackson ang naibenta sa buong mundo mula nang mamatay siya.

Sa 8.3 milyong album na naibenta sa United States, siya pa rin ang naging top-selling artist noong 2009. - Halaw ni Mon Bernardo

Show comments