MANILA, Philippines - Yup, totoong hindi na magtatagal ang programang Claudine ni Claudine Barretto sa GMA 7. Mismong si Mr. Gilberto R. Duavit, GMA Network EVP at chief operating officer ang nag-confirm.
Mahihirapan daw kasi si Claudine sa scheduling dahil busy ito sa shooting ng pelikulang In Your Eyes.
Pero dagdag ni Mr. Duavit, bibigyan si Claudine ng bagong show, isang soap opera na maraming bida.
Hindi ang mababang rating ang rason ng pamamaalam sa ere ng programa dahil sa kasalukuyan daw ay “rating is picking up” ng Claudine.
Pero wala pang details si Mr. Duavit sa sisimulang programa ng actress.
Tungkol naman kay Richard Gomez na matunog na matunog na lilipat na sa TV5, ayon sa EVP and COO ng Kapuso, may discussion sila at may mga naka-line up silang programa para sa aktor.
Eh si Iza Calzado na maingay na maingay din sa issue na hindi binibigyan ng trabaho as in matagal na itong tengga, ayon kay Mr. Duavit, naka-line up na rin ang programa sa actress. “Ang mahalaga ay ang assurance na may gagawin siya. Tubong Kapuso ‘yan,” sabi ni Mr. Jimmy bago nag-umpisa ang isang tsikahan kasama niya ang Chairman, President and CEO ng GMA na si Atty. Felipe L. Gozon kahapon with entertainment editors.
Sina Mr. Gozon at Mr. Duavit ang magkatuwang sa tagumpay ng Kapuso Network na ngayon ay aminado silang may mga programang hindi gaanong kinakagat ng masa kaya apektado ang rating. Wake up call daw sa kanila ang nangyari.
Ibinigay na sample ni Mr. Gozon ang nangyari sa SOP na pinalitan nila ng Party Pilipinas matapos matalo ng ASAP. Maraming taong naghari ang SOP bago ito natalo ng katapat na programa.
Maging ang Sis, dating programa nina Janice and Gelli de Belen and Carmina Villaroel na tumagal sa ere pero nang pumasok ang Showtime ng ABS-CBN ay bumababa ang rating kaya pinalitan din nila ng Diz Is It. Pero hindi rin nag-click ang nasabing talent program kaya pagdating ng August ay mawawala na sa ere ang Diz Is It at papalitan na ito ng iba.
Pero ang Bubble Gang na aminado silang may pagkakataong nananalo at may pagkakataong talo sa rating, walang plano ang network na tsugihin. “We never thought of changing or tapusin ang programa,” sabi ng dalawang bossing ng GMA 7.
At lahat daw ng mga programa nila ay pinag-uusapan every Wednesday sa kanilang program meeting na present din sila.
Nabanggit din nilang hindi sila nakikialam sa personal na buhay ng mga artista nila.
Samantala, meron palang department ang GMA 7 na nagmo-monitor, naga-analyze at nagre-report lang ng mga programa nila at pinag-uusapan sa program meeting nila ang reports.
In fact, maraming programa raw silang papalitan ngayon though wala pa siyang ibinibigay na detalye.
Survey pa rin ang basehan nila sa kanilang mga programang papalitan.
Aminado rin si Mr. G na hindi maganda ang kinalabasan ng Panday Kids. “Siguro may sawa factor na rin.”
Naging kampante lang daw siguro sila pero hindi naman daw sila natatalo sa Mega Manila ng Dos.
Nang matanong siya tungkol sa status ni Mo Twister, seryoso si Mr. Gozon. That’s strictly legal ayon sa kanya dahil sila raw ang nag-iisang may karapatan na i-renew ang kontrata nito kung gusto nila.
Pero Mo ignored it daw kaya isinampa na nila ang kaso at gusto niyang makita kung may sumusunod pa sa batas. “That contract is binding,” dagdag pa ni Mr. Gozon.
Hindi lang daw ito tungkol sa pera kundi sa kontrata nito. “With that contract, he cannot appear to any show without our permission.”
Eh bakit nakakalabas pa rin si Mo sa mga shows ng TV5?
“Wala pang injuction order,” sagot ni Mr. G.
Wala na raw kasi sa address si Mo kung saan dinala ang subpoena kaya hindi nito natanggap.
Anyway, marami pang sinagot ang dalawang bossing ng Kapuso. Like yung tungkol sa isang nagreklamong umano’y namimili ng mga respondent sa survey sa Bacolod at lumapit sa ABS-CBN ang nagreklamo. Sinampahan na rin nila ito ng kaso at wala silang planong i-renew ang naturang kaso hangga’t walang resulta.