TRUE : Medyo mataba si Sunshine Dizon nang dumating sa selebrasyon ng 60th anniversary ng GMA 7 sa Araneta Coliseum nung nakaraang Biyernes. Kasama niyang dumating ang asawang si Timothy Tan at si Mommy Dorothy. Pero ayaw sagutin ni Sunshine ang tanong namin kung buntis na ba ito.
Totoo, hindi pa siya buntis pero ramdam pa rin niya ang mga symptoms ng isang nagdadalang-tao. Kaya pakiramdam niya, buntis nga siya.
“My Mom is advising me not to say anything. She said keep quiet if they ask you about pregnancy, don’t say anything, baka mausog. I’m not sure. I’ll know probably by the end of the month and I’m praying and I hope people would also pray for me. Sana birthday gift na rin ni God kasi my birthday is on July 3, so, sana ibigay na niya,” pahayag ni Sunshine.
TANONG : May balak nang mag-ampon sina Regine Velasquez at Ogie Alcasid?
“Hindi pa. Medyo mabigat na responsibilidad ’yan. Hindi ganun kadali ’yun, siguro pag-iisipan muna namin nang mabuti bago namin pasukin ang pag-aampon,” sagot ni Ogie.
Kahit si Regine ay ganundin ang sagot dahil masaya naman silang dalawa muna at walang ala-alagang baby.
Nabanggit noon ni Ogie na ang balak ni Regine ay magdagdag pa ng aalagaang aso dahil gusto nilang makabuo ng Beatles.
Meron na silang asong alaga na pinangalanang George. Kukuha pa sila ng tatlong aalagaan na papangalanan nilang Paul, John, at Ringgo para buo ang Beatles nilang doggies.
TOTOO KAYA ang kuwentong nakarating sa akin na nangyari sa isang malaking showbiz event kamakailan lang na inilipat ng dressing room ang isang magandang young actress dahil sa request daw ng guwapong aktor?
Ayon sa nasagap naming kuwento, nasa nasabing dressing room din ang girlfriend ni guwapong aktor at kitang-kitang hindi sila komportable sa presence ni magandang young actress.
Dedmahan ang tatlo sa loob ng dressing room kaya para walang tensiyon sa loob, kahit hindi pa tapos mag-makeup si magandang young actress, inilipat na lang ito sa kabilang kuwarto.
Tiyak na naramdaman ni magandang young actress ang tensiyon sa paligid, pero ewan ko lang kung alam niyang mismong si guwapong aktor na dati rin niyang naka-partner sa isang programa ang humiling na ilipat ito ng dressing room.
TSIKA LANG : Muling nagkita sina Lolit Solis at Gabby Concepcion sa presscon ng huli na ginanap sa Congo Grill, Morato nung nakaraang Sabado.
Para sa concert ni Gabby ang nasabing presscon na pinamagatang Gabby’ng K Ganda na gaganapin sa Music Museum sa July 2 at 3.
Nabigla si Gabby pagdating niya dahil nandun si Manay Lolit na parang na-miss nila ang isa’t isa.
Sandaling nagkuwentuhan at nai-share pa ni Manay Lolit na madalas silang nag-aaway noon ni Gabby dahil pinipilit niya itong pakantahin.
Naniniwala na noon pa si Manay Lolit na may boses at puwedeng singer ang dating anak-anakan.
Tama si Manay Lolit. May boses nga ang dati niyang anak-anakan.
Ngayon ay pa-concert-concert na si Gabby at may confidence na itong kumanta.
Nahulaan pa ni Manay Lolit na ang paboritong kantahin ni Gabby ay Nandito Ako.
Ang ending, naharbatan ni Manay Lolit si Gabby ng one thousand pesos. Pangalawang harbat daw niya ’yun, dahil una niya itong naharbatan ng 100 dollars nang minsan silang magkita sa Amerika noon.