Nabigyan ng panibagong pag-asa ang sisinghap-singhap na industriya ng pelikulang Pilipino sa pag-upo ng bagong halal na Presidente Noynoy Aquino na pinaniniwalaang may espesyal na lugar sa kanyang puso ang industriya na kung saan ay nabibilang din ang bunsong kapatid na si Kris Aquino.
Pero sa halip, ang senador na si Jinggoy Estrada ang napisil nang pinagsanib na puwersa ng Nagkakaisang Manggagawa ng Pelikulang Pilipino (NMPP) at ng Directors Guild of the Philippines, Inc. (DGPI) para maging tulay ng mga taga-industriya sa Malacañang.
Gagawa si Sen. Jinggoy ng sulat sa bagong pangulo tungkol sa concern ng mga taga-industriya. May tatlong malaking kahilingan sila dito na inaasahan nilang bibigyang pansin nito. Tulad sa pagtatatag ng isang National Film Commission na meron na ang lahat ng bansa sa mundo maski na ang mga third country na katulad natin, pero tayo ay wala pa, na siyang mangangasiwa ng pagbebenta ng ating mga pelikula sa ibang bansa.
Pangangasiwaan din ng nasabing komisyon ang pagdaraos ng mga Filipino film festivals sa lahat ng embahada ng Pilipinas sa ibang bansa. Kung dito sa atin ay nagdaraos ng mga French, German, Korean, Japanese, at iba pang international filmfests, walang dahilan para hindi rin magdaos ng Filipino filmfest ang mga embahada natin sa maraming bansa sa mundo. Gagawa rin ito ng audience development program para makaagapay ang tao sa pag-unlad ng pelikula. Naniniwala ang mga taga-pelikula na walang sufficient representation ang industriya sa Malacañang.
Nangako ng tulong si Jinggoy na nakipag-meeting nung Sabado ng gabi sa mga taga-industriya. Isinabay na rin sa okasyon ang pakikipagdiwang nila sa muling panalo nito bilang senador.
Hihilingin din ng mga taga-industriya sa bagong pangulo na ibalik nito sa mga taga-pelikula ang pangangasiwa ng Metro Manila Film Festival (MMFF) at kung maaari ay gawin ito ng dalawang beses para mabigyang puwang din ang mga ginagawang digital films na nagbibigay ng karangalan sa bansa sa mga sinasalihan nitong filmfest sa abroad.
May mga rekomendasyon din ang NMPP at DGPI na mga tao na karapat-dapat magpatakbo ng mga ahensiya sa gobyerno na may kinalaman sa industriya ng pelikula.