GMA Network nakalamang sa Mega Manila TV ratings
MANILA, Philippines - Napanatili ng broadcast giant GMA Network ang maliit na lamang sa TV ratings sa viewer-rich Mega Manila mula Enero hanggang Mayo 2010, ayon sa survey results ng mas kinikilalang ratings data supplier na AGB Nielsen Philippines.
Nasa Mega Manila ang 55 percent ng total television households sa buong bansa.
Mula Enero hanggang Mayo, nagtala ang GMA 7 ng average na 35.6 percent audience share, mas mataas ng 0.7 points sa 34.9 percent ng ABS-CBN.
Ang television adaptation ng seryeng pang-komiks na Darna ni Mars Ravelo na pinagbidahan ni Marian Rivera ang nanguna sa listahan ng Top 10 programs.
Pasok din sa Top 10 ang iba pang GMA-produced shows na kinabibilangan ng fantaseryeng The Last Prince nina Kris Bernal at Aljur Abrenica, ang romantic comedy Full House na pinagtambalan nina Richard Gutierrez at Heart Evangelista, ang kauna-unahang kantaserye sa telebisyon na Diva ng Asia’s Songbird na si Regine Velasquez, at ang banner newscast ng GMA na 24 Oras.
Tinalo ng 24 Oras, na pinangungunahan nina Mike Enriquez and Mel Tiangco, ang newscast ng kalabang istasyon sa pagtatala ng 26.6 percent na household rating kumpara sa 25.1 percent ng huli.
Noong nakaraang eleksiyon, mas pinanood ang election coverage ng GMA Network na pinamagatang ELEKSYON 2010. Mula Mayo 10 hanggang 11, nakapagtala ang ELEKSYON 2010 ng average TV household rating na 12.3 percent, kumpara sa 10 percent ng ABS-CBN. Noong Mayo, nakapag-rehistro ang ELEKSYON 2010 ng 12.6 percent household rating, kumpara sa 11.1 ng kalaban. Noong Mayo 11, umakyat ang lamang ng GMA election coverage sa 3.5 percent.
Samantala, napanatili rin ng GMA 7 ang lamang nito sa isa pang key area — Urban North/Central Luzon — kung saan 21 percent ng national television households ang matatagpuan. Mula Enero hanggang Mayo, nakapag-rehistro ang Kapuso ng 40.5 percent na audience share sa nasabing area, o 7.6 percentage points na mas mataas kumpara sa 32.9 ng kalabang istasyon.
Kamakailan ay nagkaroon ng musical extravaganza ang GMA Network sa Araneta Coliseum para sa pagdiriwang ng ika-60 anibersaryo. Ang grand celebration ay mapapanood sa SNBO sa Hunyo 27.
- Latest