MANILA, Philippines - Kung ang national TV ratings ang pagbabasehan, kumpirmadong marami na talaga ang nakaka-miss sa Sharon Cuneta-Gabby Concepcion loveteam. Nitong nakaraang Linggo, humataw ng 28.2% ang ratings ng Kapamilya musical variety show na Sharon.
Tinutukan ng marami ang unang pagkikita nina Megastar at heartthrob kasama ang kanilang baby na si KC Concepcion. Kasabay ng mga naghihiyawang live audience, kinilig ang mga televiewers mula sa mga simpleng tinginan hanggang sa mga makahulugang pag-uusap ng dating mag-asawa.
Kung nag-enjoy ang lahat sa part one ng Sharon-Gabby-KC Reunion episode ng Sharon, mas kaabang-abang ang part two nito sa June 20 dahil mas malalim na usapan ang magaganap.
Sa susunod, ibabahagi ni KC na malaking bagay para sa kanya ang muling pag-uusap ng papa at mama niya.
“I prayed na mag-usap silang dalawa. Ang hirap kasi since this is still a show. Parang after nitong ilang oras na ’to, hindi na naman kami magkikita which is okay kasi masaya naman kami sa mga Pangilinan at masaya rin naman si papa sa family niya. Pero siyempre ang laking bagay na rin nito,” sabi ni KC na “answered prayer” niyang maituturing ang pagsasama ng mga magulang niya.
Kasama ang I’ll be There co-star nina KC at Gabby na si Jericho Rosales at ang best friend ni Mega na si Zsa Zsa Padilla bilang co-host, abangan ngayong Linggo, June 20, 9:10 p.m. ang continuation ng reunion sa Sharon, pagkatapos ng Pilipinas Got Talent sa ABS-CBN.