MANILA, Philippines - Ang Babe, I Love You na pinakaunang pinagsamahang pelikula ng dating real-life sweethearts na sina Sam Milby and Anne Curtis ay nasa video na. Ito ay kuwento ng isang researcher-professor at isang promo girl na sa kabila ng kanilang malaking pagkakaiba, nahulog para sa isa’t isa.
Si Nicolas “Nico” Veneracion Borromeo (Sam) ay napipisil na maging susunod na Vice Dean sa kanyang departamento. Siya ay tinitingala ng marami, subalit ang tanging nais niya ay ang kapatawaran ng kanyang ina para sa pagkamatay ng kanyang ama.
Nang makilala ni Nico si Sandra “Sasa” Sanchez (Anne), nag-iba ang ikot ng kanyang mundo. Sa simula ay para silang aso’t pusa ngunit sa madalas na pagsasama, nauwi rin sila sa paglalambingan. Dahil sa kaibahan ng kanilang katayuan sa buhay, pinipilit ni Sasa na magbago, habang pinagtatanggol naman siya ni Nico sa lahat ng bumabatikos sa kanilang relasyon. Ngunit paano kung sila mismo ay mahirapan sa kanilang sitwasyon?
Ang Babe, I Love You ay kumita ng humigit-kumulang na P100 milyon sa takilya, patunay na isang matagumpay na pagsasama ng Star Cinema at Viva Films.
Kumuha na ng orihinal na kopya ng blockbuster romance na ito. Mabibili sa inyong paboritong video store ang DVD copy sa halagang P600 at VCD sa halagang P299.