MANILA, Philippines - Wala na sigurong hindi nakakaalam sa kantang Amazing Grace. Ang inspirational song na sikat sa buong mundo ay ginawang pamagat sa isang pelikula na mapapanood sa June 19, 7:00 p.m., sa SM Megamall Cinema 9. Ito ang bersiyong idinirek ni Michael Apted na ang makikinabang sa pagpapalabas ay ang Mobile Out-of-School Youth Training (MOST).
Isang historical classic ang Amazing Grace na bibigyan ng inspirasyon ang mga out-of-school youth, pati na rin ang mga walang trabaho. Umiikot ang istorya kay William Wilberforce (ginagampanan ng aktor na si Loan Gruffud), isang miyembro ng British Parliament na tumutol sa pang-aalila sa mga Africano noong 19th century. Ito ang naging dahilan kung bakit nakalaban niya ang kanyang mga kalahi at pinahirapan ng gobyerno.
Kahit nagkasakit na, hindi tumigil ang kampanya niya laban sa slavery, ipinagpatuloy ito ng kanyang asawang si Barbara Spooner (Romola Garai).
Si Direk Michael ang nasa likod ng mga malalaking pelikulang The World is Not Enough at The Chronicles of Narnia: The Voyage of the Dawn Treader kaya isang quality film din ang Amazing Grace.
Ang MOST ay isang programa ng Operation Blessing Foundation Philippines (OB) na layunin ang tumulong sa mga Pilipino sa iba’t ibang livelihood skills tulad ng dressmaking, refrigeration, at air-conditioning repair, at practical electricity.
Para sa mga tiket, tumawag sa OB sa 813-2173, 812-0592, at 812-0581, o kay Amy Martinez sa 0928-5206151 at 0927-9722656.