Kung may nasiyahan man sa pagsasamang muli, kahit sa telebisyon lang, nina Sharon Cuneta at Gabby Concepcion, ito ay ang anak nilang si KC. Mahigit 10 taong hindi nakasama ni KC ang kanyang ama kaya kitang-kita mo sa kanyang aksiyon at mukha ang nadarama niyang kasiyahan. Nagkaroon pa ng malaking bonus sa pagpayag ng dalawa na magkasama sa programa ng nanay niya. Parang isang bata si KC na hindi magkamayaw sa kanyang nararamdaman. Para siyang nanalo sa lotto. Pero bilib ako sa inaanak kong ito, tanggap na niya na ang mahalaga ay may bahagi siya sa buhay nilang dalawa kahit may kanya-kanyang pamilya na ang magulang niya.
* * *
Minsan pa ay napatunayan ko na kapag tinatapak-tapakan ka, tagumpay ang kapalit nito. Si Vice Mayor Isko Moreno ng Maynila, buti na lang at ‘di nagpatangay sa mga panlalait na tinanggap niya, kung hindi baka hindi niya narating ang kinalalagyan niya ngayon. Sa halip na magkimkim ng galit sa mga nagsasalita ng masama tungkol sa kanya, ibinuhos niya ang panahon sa paglilingkod sa kanyang mga nasasakupan.
Nag- try din siyang paunlarin ang kanyang sarili, nag-aral siya at ngayon hindi na siya mabasta-basta.
* * *
Maganda ang Pilyang Kerubin. Di ko lang alam kung saan nito nakakapareho ‘yung Kerubin ni Tessie Agana nung araw. Ang alam ko, drama ‘yung luma at parang dramedy itong kay Barbie Forteza na may halong light romance ba? At dahil isang serye, kung kaya maraming istorya na bukod pa sa main story ang sumasanga. Kaya marami ring malalaking artista. Ito ang kaibahan ng Kerubin nun at Pilyang Kerubin ngayon, TV lang pero daig pa ang pelikula sa laki ng produksiyon.
* * *
Malapit na ang Survivor Philippines Celebrity Edition ni Richard Gutierrez. Siguro naman, tapos na tapos na ang movie nilang nag-shoot pa sa US with Anne Curtis at Claudine Barretto.
Ang laki raw ng gastos pero mukhang babawi naman sa ganda ng istorya. At matagal na ring hinihintay ang pagtatambal nina Chard at Anne kaya siguradong dudumugin ito sa sinehan kapag ipinalabas na.
Tungkol naman sa Survivor, kung inaakala n’yong hindi mapapantayan ni Richard ang ginawang paghu-host dito ni Paolo Bediones, magugulat kayo dahil kakaibang Chard ang mamamalas dito.
Siyanga pala, TY kay Richard sa mga silyang idinonate niya sa MET.