MANILA, Philippines - Sayang at hindi makaka-attend ng coronation night ng Guillermo Mendoza Memorial Awards si Sarah Geronimo. Siya kasi uli ang box-office queen for 2009 para sa pelikulang You Changed My Life.
Sa June 20 pa raw ang last show nito sa Amerika kaya hindi pa rin aabot kahit umalis ito doon right after the show.
Kung nanghihinayang si Sarah, mas lalong nanghihinayang ang big boss ng Viva na si Mr. Vic del Rosario.
Naka-schedule na raw kasi ang nasabing concert ni Sarah last year pa kaya hindi na nila makansela para sana makahabol ito sa coronation night.
Ito na ang ikalawang taon na kokoronahan si Sarah bilang box-office queen.
Nauna siyang kinoronahan para sa pelikulang A Very Special Love.
Anyway, balita ni Boss Vic, pagbalik ni Sarah ay sisimulan agad nito ang taping ng pagsasamahan nilang programa nina Sam Milby at Matteo Guidicelli na ala-Glee.
Pero mauuna raw munang mapanood ang pelikulang Hating Kapatid, ang first movie ni Sarah with Judy Ann Santos na produced ng Viva Films. Apat na araw na lang daw ang natitirang shooting days.
Isasabay daw ang showing nito sa mismong birthday ni Sarah sa July 21.
“Naka-focus ang attention ko sa pelikula dahil malaki ang budget namin dito,” kuwento ng bossing ng Viva nang makatsikahan ko nung minsan.
Ang lakas din daw ng chemistry nina Sarah at Luis Manzano.
Comedy ang pelikula na may konting drama pero more on comedy daw ang dating.
* * *
Kasabay ng pagbuhos ng ulan ngayong Hunyo ay ang pagbuhos din ng kilig at saya mula sa mga pinaka-aabangang teleserye stars ng ABS-CBN na tampok sa pinakabago nitong station ID na inilunsad noong Biyernes.
Nagsama-sama ang mga bida ng kasalukuyan at eere pa lamang na teleserye ng Dos na sina Piolo Pascual, Zaijan Jaranilla, Kristine Hermosa, Xyriel Manabat, Empress Schuck, Matt Evans, Felix Roco, Gretchen Barretto, Bea Alonzo, Cristine Reyes, Zanjoe Marudo , Jericho Rosales, Anne Curtis, Angel Locsin at John Lloyd Cruz bilang pagdiriwang na rin sa ika-60 taon ng Pinoy Soap Opera.
Gamit ang acoustic at mas sentimental na himig ng awiting Sukob Na na likha ni Aiza Seguerra, ang naturang SID ay inilunsad lamang noong Biyernes pagkatapos ng TV Patrol World. Ito ay ginawa ng ABS-CBN Creative Communications Group sa pamumuno ni Robert Labayen at sa direksiyon ni Richard Ang.
* * *
Hahaha. Tawa muna bago kuwento.
Ayan na, pinaglaruan na ni KC Montero ang pagpapadala ni Angel Locsin ng beefsteak sa kapatid niyang si Colby. Maraming nakarinig kahapon na kinukuwento ni KC sa kanyang radio show na inuwi nila at kinain ang nasabing ulam na say ni KC ay the best beefsteak na natikman nila na tinake out pa raw ni Colby dahil inuwi ang sabaw at ibinuhos sa katawan saka dinila-dilaan.
Yuckie.
Nasa kabilang linya raw si Colby na hindi naman nagri-react sa tsika ng kapatid.
Pero nabanggit daw ni Colby na tinanong ng kapatid niyang si Troy si Angel through text message kung ok lang na may ganung issue. Say daw ni Angel, ok dahil she’s cool.
Cool.
Ang manager niya kayang si Tita E. cool pa sa issue?
* * *
Naging special guest host ng top-rating noontime variety show na Wowowee ang isa sa mga matalik na kaibigan ni Willie Revillame na si Rico J. Puno.
Sa pagbubukas ng show, naghiyawan ang lahat nang sabihin ni Mariel Rodriguez na si John Lloyd Cruz ang makakasama nila. Laking gulat at naghalakhakan ang live studio audience nang ang lumabas sa backstage ay ang Macho Gwapito ng dekada ’70.
Nang tanungin si Rico J. kung anong klaseng Wowowee ang ihahatid niya sa televiewers, simple lang ang sinabi nito. “Ako’y 35 years na rin sa industriya at hindi ko pinaplano ang kahit anong gagawin ko. Galing lang sa puso lagi. Spontaneous! I play with the crowd of course with the guidance of the script.”
Lalong nagpiyesta sa studio nang naging galante si Rico J. sa pagbibigay papremyo sa contestants at maging sa live audience. Sa katunayan, pinagkatuwaan pang hanapin ni Rico J. ang taga-Makati na bumoto sa kanya. Matatandaang tumakbo bilang vice-mayor ng Makati si Rico J ngunit hindi pinalad na nanalo. Kaya pabirong nagkomento ang singer na, “Ang dami n’yo, bakit hindi ako nanalo?” Tama.