Magka-table kami kahapon ni Shirley Kuan sa thanksgiving lunch nina Sen. Bong Revilla, Jr. at House Representative Lani Mercado.
Si Shirley ang manager ni KC Concepcion at nag-emote siya sa akin tungkol sa masikip na presscon ng I’ll Be There noong Huwebes.
Ang say ni Shirley, ipinarating niya sa mga bossing ng Star Cinema ang kanyang concern. Hindi kasi naging komportable ang press people at ang mga artista ng pelikula dahil masikip ang venue.
Ang I’ll Be There ang unang pelikula at hopefully, hindi last movie ng mag-amang Gabby Concepcion at KC. Sa June 16 ang playdate ng pelikula.
* * *
Guwapung-guwapo kahapon si Jolo Revilla sa thanksgiving lunch ng kanyang mga magulang.
Umapir si Jolo sa thanksgiving lunch dahil malaki ang kontribusyon niya sa reelection sa senado ng kanyang ama.
Tumulong si Jolo sa kampanya ni Bong. Siya ang naging representative ni Bong sa mga lugar na hindi nito napuntahan.
Sinabi ko na guwapong-guwapo si Jolo dahil kakaiba ang kanyang aura kahapon. Obvious na in love ang aking inaanak dahil ’yon ang aura na nakikita ko kapag in love siya.
Kung sino ang mapalad na babae? Kung sino ang nali-link ngayon kay Jolo, siya ang girl na inspirasyon at nagpapakislap sa mga mata ng aking inaanak. Itago natin siya sa pangalang Melissa Ricks!
* * *
Nagpunta kahapon sa US Embassy si Paulo Avelino para mag-apply ng US visa dahil susundan niya sa New York si LJ Reyes.
First time ni Paulo na nag-apply ng US visa.
Kailangan ni Paulo na lumipad sa US dahil due date na ni LJ sa susunod na buwan. Gusto naman niya na kasama siya ni LJ sa pagsisilang nito sa kanilang panganay na anak na binigyan nila ng name na Ethan Akio.
Pahulaan kung nakapasa si Paulo sa interbyu sa kanya ng US consul dahil hindi pa niya sinasabi ang resulta ng pagpunta niya sa embassy ng Amerika.
* * *
Isang baguhang child star ang bida sa TV remake ng Trudis Liit. Sa totoo lang, hindi ko mabanggit ang name ng child star dahil kakaiba ang spelling ng kanyang pangalan.
Naloka ako sa spelling ng pangalan ng bagets dahil kung nahirapan ako sa pagbigkas ng kanyang pangalan, siya pa kaya? Bakit nga ba may mga magulang na gustung-gusto na pinahihirapan ang kanilang mga anak? Ginagawa nilang kumplikado ang mga simpleng pangalan ng mga bata? Puwede kaya silang ireklamo ng child abuse? What do you think Mama Salve?
* * *
Tawa ako nang tawa sa kuwento ng isang talent manager tungkol sa aktres na nagtatago dahil sangkatutak ang utang.
Ang say ng talent manager, pila-pila ang mga naniningil sa sikat na aktres na kilala sa pagiging “utangera” pero nakapagtataka na pinagtitiwalaan pa rin ng mga nagpapautang.
Nagrereklamo ang mga nagpautang sa aktres dahil hindi ito mahagilap. Sino ngayon ang dapat sisihin? Sila rin dahil balitang-balita na makunat magbayad ng utang ang aktres pero pinahiram pa rin nila ng datung.