“’Yan ang pelikula,” sabi ng majority sa ka-miyembro ko sa Cinema Evaluation Board pagkatapos mapanood ang pelikulang Noy starring Coco Martin na kuwento ng buhay ni Noy, kapangalan ni Sen. Noynoy Aquino na ang misyon ay manalo – si Noy na ginagampanan ni Coco, manalo sa kahirapan para sa kanyang pamilya.
Nakakaiyak ang pelikula na magsisimulang mapanood sa mga sinehan ngayong araw.
Graded A ng CEB ang Noy. Unanimously.
Magaling si Coco sa pelikulang ito. Natural ang acting niya na isang nagpanggap na journalist matapos makakuha ng pekeng diploma. Nakapasok sa isang TV station pero unti-unting nadiskubre na wala pala itong galing dahil walang maipakitang matinong trabaho.
Actually, magaling lahat ng artista sa pelikula – bukod kay Coco – si Joem Bascon, Cherry Pie Picache, ang batang gumaganap na kapatid nina Coco at Joem (Cheska Billones) at maging ang supporting characters.
Mag-iina dito sina Joem, Coco, at Cheska. Nanay nila si Cherry Pie na no read no write at ang pagpi-pedicure ang tanging ibinubuhay sa kanila. Maaga silang naulila sa ama.
Nakatira sila sa isang lugar na hanggang sa kasalukuyan ay baha dahil sa nagdaang bagyong Ondoy.
Sa tuwing uuwi sila, kailangan nilang sumakay ng balsa.
Si Joem ang panganay. Pero nabalda siya sa isang aksidente kaya hindi makatulong sa kanyang pamilya.
Si Coco ay naglakas ng loob magpanggap na journalist na sa tulong ng kanyang girlfriend na ginampanan ni Erich Gonzales ay nagmukhang kagalang-galang. Ipinahihiram ni Erich ang damit ng kanyang kuya kaya naging disente ang hitsura nito at natanggap nga na journalist.
Na-assign si Noy na i-cover ang kampanya ni Sen. Noynoy na noong una ay wala siyang planong iboto, pero habang sinusundan niya ang takbo ng kampanya ng presidentiable, unti-unting nagbago ang kanyang pananaw lalo na nga’t madali siyang nakahingi ng wheel chair para sa kanyang kapatid na baldado.
Ang nanay naman niyang hindi makasulat at makabasa ay nakakuha ng manliligaw na black American na hinihingan niya (Noy) ng datung kapalit ng usapan na ilalakad niya ito sa kanyang nanay.
Gusto na sana niya ang Amerikano dahil baka ‘yun na raw ang mag-aahon sa kanila sa kahirapan at makakarating sila ng Amerika, pero hindi nangyari ang lahat.
Ang kapatid naman niyang baldado ay nagkaroon ng pag-asa nang magka-wheelchair. Nagbalik sa paglilinis ng sapatos na raket pala ang pagtutulak ng droga.
Maraming mga eksena sa pelikula na ini-interview ni Noy ang senador na nanalong presidente ng bansa. May mga eksena ring kasama sina Kris Aquino at Baby James na parang sa pelikula lang mapapanood na part ng trabaho ni Coco na hindi naman nagustuhan ng kanyang boss na ginampanan ni Vice Ganda.
Malungkot ang kuwento dahil mararamdaman mo ang hirap ng kalooban ni Coco sa pelikula na gustung-gustong umasenso ang buhay ng pamilya pero hindi niya alam kung paano gagawin lalo pa nga’t nadiskubre na siya ng kanyang boss na hindi siya totoong journalist.
Very touching ang eksena na papel na batang kapatid ni Coco na si Cheska na nabulag. Hindi pala nila alam, diabetic ang bata kaya nabulag. Matalino pa naman yung bata.
Sad ang ending dahil mamamatay si Coco. Pero kung paano, yun ang dapat panoorin n’yo.