Huling Sundalong Hapon sa I-Witness
MANILA, Philippines - Taong 1945 nang sumuko ang bansang Hapon at natapos ang World War II. Pero sa isipan ng isang sundalong Hapon na si Hiroo Onoda, nagpatuloy pa ang giyera. Twenty nine years siyang nagtago sa isla ng Lubang sa Mindoro, umaasa ng saklolo mula sa kanyang mga kasama.
Nang bumalik ang Allied Forces sa Lubang Island noong 1945, walang nagawa ang natitirang puwersang Hapon kundi magtago sa kagubatan. Sa pag-asang makakaganti pa ang kanilang puwersa, ginawa nila ang lahat upang makaraos sa loob ng gubat at inihanda ang kanilang mga sarili na lumaban hanggang katapusan. Hindi sila handang sumuko.
Sa matagal na panahon mula noong World War II, namuhay sina Lt. Hiroo Onoda at tatlong mga kasamang sundalo sa kayamanan ng gubat at sa kabuhayan ng mga residente ng Lubang Island.
Pinasok ni Howie Severino, kasama ang outdoorsman na si David Tajan, ang kagubatan ng Lubang Island upang balikan ang mga bakas ni Lt. Onoda. Sinubukan ni Howie ang kapaligirang binagayan ni Lt. Onoda – matatarik na bundok, mga halamang nakakasugat, iba’t ibang uri ng langgam, kakarampot na pagkain at gamit pang-camping. Mula sa gubat na ito, paano naging isang bayani si Lt. Onoda? At paano naman ang mga residente ng Lubang, na naging mga biktima ng isang digmaang guni-guni lamang?
Bagtasin ang mga yapak ng huling sundalong Hapon ngayong Lunes sa I-Witness.
- Latest