Bossing haligi ng EB Classroom Project

MANILA, Philippines – Tatahi-tahimik si Vic Sotto, pero hindi alam ng marami ay abala si Bossing sa mga makabulu­hang bagay tulad ng EB Classroom Project ng Eat Bulaga.

Si Bossing ang nagpasimula ng proyektong ito na bahagi pa rin ng selebrasyon ng ika-30 aniber­saryo ng Eat Bulaga nung 2009. 

Ang sabi ni Bossing, ang ibinigay niyang halaga ay pambili ng pako para sa naturang proyekto. Nga­­yon, ang ‘pako’ na ‘yon ni Bossing ay isa nang gusali dahil halos buo na ang ipinatayong class­room ng Eat Bulaga.

Mula sa napakaraming nagpadala ng e-mail na galing sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas, ang ma­­su­wer­teng napili para patayuan ng kauna-una­hang EB Classroom ay ang Lakdayan Elementary School sa San Narciso, Quezon.

Halos walong oras ang layo mula sa Maynila (mula Lucena ay halos tatlong oras pa ang biyahe para marating ito), natagpuan ito ng Eat Bulaga dahil sa liham na ipinadala ni Gng. Dina Endrinal, Grade III tea­cher ng nasabing paaralan dahil sa naging kaha­bag-habag na kalagayan ng kanilang eskuwelahan.

Sinimulan ang construction dalawang araw bago ang birthday ni Bossing nung Abril 28.

Makinis na ang sementadong pasilyo at sahig, may bakal na ang kisame at mati­bay na bubong, maayos na rin ang mga bakal na bintana, maganda na ang dingding, blackboards at maging ang mga desk at eraser ay bago na rin. Pati ang palikuran ng mga bata ay mas maganda na at hindi na ka­tulad dati na kaila­ngan pa nilang mag-igib ng tubig tuwing gagamit ng banyo.

Pagdating ng school opening ay handang-handa na ang brand-new classroom ng Lak­da­yan Elementary School. Pagpasok ng mga mag-aaral sa Hunyo ay meron na silang maga­ga­­mit na bago, malinis, matibay at ma­gandang silid-aralan.

Araw ng Martes, Hunyo 15, magbubukas ang mga klase (dahil nilipat ng Lunes ang June 12 Independence Day holiday na tumapat sa Sabado). Espesyal ang araw na ‘yon dahil pu­pun­ta mismo si Bossing sa San Narciso, Que­zon para pormal na buksan at pasinayaan ang kauna-unahang EB Classroom Project.

Masaya si Bossing para sa mga kabataang estud­yante na makikinabang sa proyektong ito.

Malapit sa puso niya ang mga bata na tumatangkilik ng kanyang mga pelikula at programa sa telebisyon.

Show comments