Pupunta ng Washington DC ang vice mayor elect ng Maynila na si Isko Moreno. Nag-iisa siyang vice mayor na Pilipino na makakasama ng mga mayor sa iba’t ibang bansa na nabigyan ng pagkakataong makapag-aral ng libre ng International Exchange Student Program ng local government public administration. Tatlong linggo siyang mawawala at pagbabalik niya ay handa na siyang manumpa sa bagong tungkuling muling ibinigay sa kanya ng mga kapwa niya Manilenyo.
Inamin ng napaka-poging vice mayor na bagaman at kulang siya sa pinag-aralan, hindi ito naging hadlang para magsikap siyang mapaglingkuran ang mga tao sa kanyang distrito.
“Naging matapat lang ako sa kanila. Wala akong masyadong ipinangako dahil hindi ko pa nun alam kung ano ang gagawin ko para sa kanila. Nung magsimula na lang akong magserbisyo at saka ko nakita kung anu-ano ang pangangailangan nila at dun ako nagsimula. Hindi na ako nahirapan dahil sa kanila na mismo nanggaling kung ano ang gagawin ko at saan at paano ako magsisimula,” sabi niya sa isang maliit na salu-salo kasama ang mga kaibigan sa entertainment media na kasa-kasama na niya simula nung nasa That’s Entertainment pa siya.
* * *
Napaka-bubbly ni KC Concepcion sa kanyang pagho-host ng Simply KC, isang bagong morning talk show na nagsimulang umere nung Lunes sa ABS-CBN. Kahit parang nakikita ko sa pagkatao niya at sa paraan ng pagsasalita niya at paggalaw ang kanyang inang si Sharon Cuneta at sa kanyang itsura ang amang si Gabby Concepcion, ipinamamalas niya sa kabila ng kanyang pagiging icon, ang isang simple, totoo at normal na kabataan.
Araw-araw ay dinadala niya ang mga manonood sa iba’t ibang paglalakbay kasama ang kanyang bisitang celebrity guest na tulad niya ay walang takot na ipapakita ang kanilang totoong kulay at pagkatao sa kabila ng maningning nilang buhay bilang artista. Sayang at hindi ko na nahintay pa ang pagdating ng isa niyang guest, ang kanyang amang si Gabby Concepcion pero napanood ko ang isa niyang episode kasama ang kapwa niya kabataang si Andi Eigenman at pinag-usapan nila ang mga hirap na pinagdaanan nito bago siya pumayat (140 lbs. siya bago naging 110 lbs. ngayon at 30 ang waistline niya na ngayon ay 25 na lamang) at bago pa siya naging matagumpay sa kanyang launching project na Agua Bendita.
Actually, wala namang script na sinusunod si KC sa show. May topic pero ang magiging takbo ng kanilang interview ng kanyang guest ay nakasalalay kay KC. So far sa episode niya kay Andi ay hindi naman siya nangapa dahil inamin niya na ang naging weight problem nito ay naging problema rin niya nun, pero ‘yun nga lang maraming pagkakataon na napaka-bilis niyang magsalita. Dapat matutunan niya ang sining ng swabeng pakikipag-usap, ‘yung hindi siya parang hinahabol at excited na masabi agad ang gusto niya na parang nakakalimutan niya ito kapag pinagtagal pa niya.
Sa kabuuan, okay na si KC, nakakadala ang kanyang energy, ‘yun nga lang, dapat maglagay siya ng mga guest na makaka-relate hindi lamang ang mga kapwa niya kabataan kundi maging ang nga nanay at maid of honor na siyang magiging palagian niyang viewers sa slot niyang 9:45 ng umaga kapag nagsimula na ang klase.
* * *
Wala pa ring tatalo sa Club Mwah pagdating sa mga palabas na may pagka-Broadway ang dating.
Naimbita ako ni Pocholo Malillin, ang administrator ng Club Mwah na matatagpuan sa Boni Ave. sa pusod ng Mandaluyong City at ng kapartner niyang si Cris Nicolas, ang napaka-galing na artistic director, choreographer at costume designer ng nasabing lugar at binalikan na naman ang kanyang pagpi-perform, para panoorin ang pinaka-latest nilang Bedazzled presentation at talaga namang bongga na naman ang presentasyon.
Bukod sa mga bagong costume at production numbers, napansin ko na bago rin ang maraming members ng Follies de Mwah.
Inamin ni Pocholo na naging mahirap na naman ang prosesong pinagdaanan ni Cris para masanay sila, pero the effort is worth it. Walang mga performers na makapagbibigay ng ganun kagandang programa.
Ilang taon nang nagbibigay ng entertainment ang nasabing lugar pero never bumaba ang kalidad ng palabas dito, kaya patuloy at patuloy pa rin itong dinadayo ng maraming manonood, local man o foreign.