MANILA, Philippines - Muli na namang kinilala ng Institute of Corporate Directors (ICD) ang ABS-CBN bilang isa sa pinakamahusay na kumpanya sa taong 2009 pagdating sa corporate governance at compliance practices.
Ang ABS-CBN, na tanging multimedia company na nakuha ang parangal sa dalawang magkasunod na taon, ay isa sa 30 kumpanya na nakakamit ng pinakamataas na score kapantay ng pandaigdigang pamantayan.
Layunin ng taunang event na itaguyod ang transparency, pananagutan, at maayos na pamamalakad ng kumpanya sa lahat ng publicly-listed companies sa Pilipinas. Iba’t ibang korporasyon mula sa iba’t ibang sektor ang sinuri at binigyan ng score base sa karapatan at karampatang pakikitungo sa mga shareholders, papel ng mga stakeholders, pagsisiwalat at transparency, at responsibilidad ng mga board members ng kumpanya.
Ang ICD ay isinagawa ang Corporate Governance Scorecard sa tulong ng Securities and Exchange Commission, the Philippine Stock Exchange, at Ateneo School of Law.
Kamakailan ay pinalitan ng ABS-CBN ang pangalan nito mula ABS-CBN Broadcasting Corporation ng ABS-CBN Corporation para sumalamin sa patuloy na paglago ng kumpanya mula sa pagiging broadcasting network hanggang sa pagiging isang multimedia conglomerate.
“Nais namin na maalala ng publiko ang ABS-CBN hindi lang bilang isang broadcasting company. Sa mga nagdaang taon, kami ay gumagamit ng iba pang media platforms bukod sa broadcasting,” sabi ni ABS-CBN Chairman at CEO Eugenio Lopez II sa kakatapos lamang na taunang stockholders meeting.