Hindi kailangang mag-artista ni Sylvia Sanchez para matustusan ang edukasyon ng kanyang mga anak, lima silang lahat na ang pinakamatanda ay mahigit ng 20 taong gulang at ang youngest naman ay 5 month old. Kayang-kaya silang papag-aralin ng kanyang asawa at ama ng mga bata. Pero patuloy pa rin siya sa kanyang pag-aartista dahil passion niya ito. Kahit hirap siyang pagsabayin ang pangangalaga sa kanyang pamilya, pag-aasikaso sa kanyang negosyo at pag-aartista wala kang maririnig na reklamo mula sa kanya, masaya siya, may sarili siyang pera, hindi kalakihan pero sarili niya.
Suportado naman ng mister niya ang lahat nilang gastusin, pati ang pag-aartista niya ay hindi nito kinukuwestiyon dahil alam nito na gusto niyang makaramdam ng kahit kaunting independence, ‘yung kahit kaunti ay mayroon siyang sariling pera na pinagtrabahuhan niya at hindi bigay niya.
“Alam niya kung gaano ko kamahal ang pag-aartista kaya okay lang sa kanya na tumanggap ako ng assignment at wala siyang kundisyon sa mga ginagawa ko, talagang full ang support niya,” sabi ng magaling na aktres na suwerte namang nakapagtatrabaho sa dalawang pinakamalalaking network sa bansa, ang GMA at ABS-CBN.
Lilimang buwan pa lamang siyang nakakapanganak pero agad niyang tinanggap ang isang role sa bagong serye ng Siete na magsisimulang mapanood sa Lunes, ang Langit sa Piling Mo starring Heart Evangelista, Mark Herras, Katrina Halili, at marami pang iba. Ina ni Heart ang role niya, mabait, hindi salbahe na siyang tatak niya bilang character actress.
“Mabait na nanay ako ni Heart pero very protective lang sa kanya,” imporma ni Sylvia na medyo mataba pa rin dahil bawal pang magpapayat dahil bagong panganak. Pero may grupo siya na nagba-biking bilang exercise.
Kung may ipinagmamalaki man si Sylvia sa kanyang buhay ngayon, ito ay ang pagkakaroon ng mga anak na bagaman at may hilig mag-artista ay sumusunod sa desisyon niyang magtapos muna ng pag-aaral.
“Mahilig din silang umarte, ‘yung panganay mahilig sumayaw. At yung sumunod sa kanya na isang babae ay gusto ring mag-showbiz. Eighteen years old ito, kadi-debut lang pero nakumbinse kong magtapos muna ng pag-aaral. Agree naman siya dahil simula pagkabata, sa magagandang schools na siya nag-aral. Nung high school, dean’s lister siya sa La Salle. Gusto namin ng father niya na sa Europe ito mag-aral pero siya ang nag-decide na sa University of Hong Kong siya pumasok. Nung nag-bakasyon kami sa Europe last year, kumuha ito ng entrance sa ilang universities gaya ng Spain, UK, Paris, at Switzerland pero sa Hong Kong niya napag-isipan na kumuha ng Masscom/Marketing course. Number one school daw ito sa Asia at top 25 in the world. Marami raw galing dito ang nakakapasok ng Harvard na siya niyang intensiyon dahil gusto rin niyang mag-law in the future.
“Okay na sa akin dahil malapit lang ang Hong Kong madali namin siyang mabibisita at madali rin siyang makakauwi kung gusto,” paliwanag ng very proud na madir sa kanyang anak.
May isang restaurant na inaasikaso si Sylvia sa kasalukuyan. Kumuha siya ng culinary course dahil lang dito and it’s doing good business. Kung gugustuhin niya, makakaya siyang ipagtayo ng asawa niya ng isa pang branch pero tumanggi sya.
“Palalaguin ko na lang muna ito. Pag kaya ko na physically baka subukan ko rin pero sa ngayon, tama na ‘yung isang restaurant,” sabi niya.
* * *
Inilunsad ng ABS-CBN ang isa na namang maaksiyong serye na pagbibidahan ni Jake Cuenca, ang Agimat presents Elias Paniki.
Kakaibang Jake ang mapapanood dito na gumaganap bilang isang superhero. Si Elias ay isang probinsiyano na sinanay ng isang sundalo sa pakikipaglaban. Gamit ang bertud ng paniki, alamin kung paano niya tatalunin ang mangkukulam na kanyang pinakamatinding katunggali.
Umaasa si Jake na magiging matagumpay din ang kanyang Agimat gaya ng mga naunang series nila Gerald Anderson, Jolo Revilla, at Coco Martin. Ayon sa aktor, proud na proud siya sa buong cast ng Elias Paniki na kinabibilangan nina Ms. Cherry Pie Picache, Jojit Lorenzo, Kelly Misa, Xian Lim, Hermes Bautista, at Sam Pinto.
Mapapanood ito pagkatapos ng huling pagtatanghal ng Tonyong Bayawak na pinagbibidahan ni Coco Martin.
* * *
Short lived pala ang pag-aartista ni Baby James. Katulad ng kanyang famous mom, bow out muna siya sa showbiz hindi dahil presidential nephew siya and a favorite one at that kundi dahil sa magsisimula na siyang pumasok ng school at gusto ng mga parents niya na magkaroon siya ng isang normal na buhay bilang mag-aaral. Babalikan na lamang daw niya ang pag-aartista niya kapag nakatapos siya ng high school. Makatagal naman kaya siya, sila ni Kris Aquino na susubukan ding mamuhay ng walang gulo ng showbiz?
Sana nga mapangatawanan ito ni Kris dahil parang hindi siya isinilang para maging isang matahimik at normal na tao. Kaakibat na ang buhay niya ng gulo, intriga at kontrobersya. Itago mo man siya, kandaduhan mo man sa isang kwarto mapi-feel mo pa rin ang kanyang presence, gagawa at gagawa siya ng balita, presidential sister man siya o hindi.