Business ang dahilan ng pagpunta ko sa Hong Kong, hindi pleasure o bakasyon. Nagulat ako nang makita ko sa magkahiwalay na lugar sa Hong Kong si Papa Lito Atienza at si DILG Undersecretary Brian Yamsuan.
Nagbabakasyon sa Hong Kong si Papa Lito dahil binawi niya ang pagod sa pangangampanya noong nakaraang eleksiyon.
Wala akong na-sight na artista sa Hong Kong at kung may nakakita man sa akin, baka umiwas sila dahil sa takot na matsismis o maharbatan ko sila.
* * *
Pinag-uusapan ng mga Pilipino dito sa Hong Kong ang isyu ni Willie Revillame at ng ABS-CBN.
Wala akong masabi dahil hindi ko alam ang ending ng pakikipag-meeting ni Willie sa mga Kapamilya bossing.
Kung hindi man bumalik si Willie sa Wowowee, malamang na magbakasyon siya dahil naging stressful ang mga nagdaan na araw.
Hanggang dalawang linggo lang ang hosting job ni Robin Padilla sa Wowowee. Matatapos na ang guesting ni Robin sa linggong ito pero hindi pa sinasabi ng ABS-CBN ang susunod na guest host ng programa na iniwanan ni Willie.
* * *
Galit pala si Diva Montelaba sa kanyang biological father. Ang feeling ni Diva, hindi siya makakaranas ng kahirapan kung hindi umalis ng bahay ang tatay niya.
Bagets pa lang si Diva nang abandonahin ng ama. Hindi pa raw niya nakikita ang kanyang ama mula nang umalis ito.
Ang sey ni Diva, hindi niya alam ang magiging pakiramdam kung sakaling magkrus ang kanilang mga landas.
Pinayuhan si Diva ng mga reporter na patawarin na niya ang kanyang ama. Utang pa rin ni Diva ang pagiging tao sa tatay niya.
* * *
Grandparents na sina Aga Muhlach at Janice de Belen dahil nanganak na ang asawa ng kanilang anak na si Luigi.
Alejandro Miguel ang pangalan ng baby boy ni Luigi at ng kanyang misis na si Patricia.
Ipinakita sa Showbiz Central noong Linggo ang mga litrato ng cute na apo nina Aga at Janice.
* * *
Si KC Montero ang dapat na mag-iinterbyu kay Geneva Cruz sa Showbiz Central noong Linggo.
Hindi natuloy ang plano dahil may rehearsal si Geneva para sa isang musical play kaya naudlot ang pagtatapat nila ng kanyang asawa. Legal pa rin ang pagiging mister at misis nina Geneva at KC dahil hindi pa naman sila mga diborsyado.
Matagal bago nakumbinsi ang dalawa na magsalita tungkol sa kanilang paghihiwalay. Mabuti na lang, may album si Geneva na ipino-promote kaya napapayag siya na mag-guest sa Startalk noong Sabado at magkuwento tungkol sa mga nangyari sa relasyon nila ni KC.