May unconfirmed reports na binitiwan na ng isang management company ang pagma-manage sa career ng isang sikat na TV and movie (TV&M) personality dahil may mga ginawa umano itong hindi nagustuhan ng management niya.
Mabuti at may co-manager si TV&M personality at ito ang magpapalakad sa career niya. Okay ang ginawa ng management company na hindi pinakialaman ang movie contract sa kanila ni TV&M personality at tuloy ang paggawa nito ng pelikula ayon sa kontrata nito.
In fairness kay TV&M personality, hindi nagpapataranta kahit sunud-sunod ang negative reports sa kanya. Tuloy lang ang kanyang trabaho at balita namin, may pagbibidahan itong malaking soap sa network kung saan siya nakakontrata ngayon.
* * *
Suportado ng pamilya ni Frencheska Farr ang kanyang pag-aartista at umuwi pa ang lola niya na OFW sa Amerika para mapanood ang premiere night ng Emir sa June 7 sa SM Megamall. Ang trabaho ng kanyang lola ang binanggit ni Frencheska na rason kung bakit naka-relate siya sa role niya sa pelikulang showing sa June 9 sa direksyon ni Chito Roño.
Ang mga kantang All I Ask at Paano Mahalin ang audition songs ni Frencheska na muntik mag-back out nang makita ang mga sikat na artista’t singers na nag-audition, pero hindi na nito binanggit kung sino sila.
Memorable experience ni Frencheska sa shooting ’yung tumakbo siya sa Casbah na location din ng Passion of the Christ. Inatake siya ng asthma dahil sobrang maalikabok.
“Cheska” ang tawag ni Direk Chito kay Frencheska na takot mula nang masigawan na ikinaiyak nito. Sa presscon lang narinig ng young actress na pinuri siya ni Direk Chito.
Prodyus ng Film Development Council of the Philippines ang Emir in association with the Cultural Center of the Philippines and supported by the President’s Social Fund.
* * *
Mukhang seryoso si Cogie Domingo sa pagbabalik-showbiz niya dahil hindi ito namimili ng role, basta maganda ang project. Kinuha rin niya si Noel Ferrer para mag-manage sa kanyang career, kaya I-expect natin ang pagiging visible ni Cogie sa mga susunod na araw.
Isa sa mga projects ni Cogie ay ang sitcom ni Eugene Domingo sa TV5 entitled Inday Wanda at pumayag maging main contravida na super hero si Cogie. Maggi-guest din siya sa isang episode ng Claudine ni Claudine Barretto sa GMA 7 at pati sa ABS-CBN, lalabas din si Cogie.
Magaling na aktor itong si Cogie, pero mahilig mag-AWOL, basta na lang siyang nawawala at mahilig pang ma-involved sa mga controversies. With a new manager, sana magtuluy-tuloy na uli ang showbiz career ni Cogie.
* * *
Nagbibigay ng update si Direk Rico Gutierrez sa kanyang Twitter account sa mangyayari sa Party Pilipinas kapag sila na ni Direk Mark Reyes ang hahawak. Sa May 30, si Direk Mark na ang direktor ng Sunday musical show ng GMA 7 at sa June 6 naman siya siya uupong direktor.
Nabanggit din ni Direk Rico na dalawang stage ang gagamitin ng Party Pilipinas at isa rito ang ginamit na stage sa One Earth, One Journey, ang environmental concert hosted by Richard Gutierrez. May origami ramp daw para mas malapit sa audience ang performers.
Party Pilipinas na rin lang ang usapan, sana magawan ng paraan nina Direk Rico at Direk Mark na bawasan ang paulit-ulit na pasasalamat at pagbanggit sa mga sponsors ng artists ’pag nagbi-birthday, may concert, o may bagong show dahil nakakairita at pare-parehong pangalan lang naman ang mga binabanggit.