MANILA, Philippines - Naging guest of honor si German Moreno sa launching ng CD album ng mga singing discoveries ni Coun. Ariel Inton na ginanap sa Quezon City Amoranto Theater.
Kasama ni Kuya Germs sa nasabing launching ang sumisikat na alaga niyang si Jake Vargas na mas kilalang si Baste sa First Time ng GMA 7.
Nagbigay din ng payo si Kuya Germs sa mga kabataan ng grupo.
‘‘Naalala ko tuloy ang aking That’s Entertainment noon, ganitung-ganito,’’ pagbabalik-alaala ng kilalang host.
‘‘Tulad ninyo, kailangan din ang may mapagkakaabalahan maliban sa pag-aaral sa eskuwelahan. Nagkakaroon kayo ng disiplina at maaaring gawin ninyong hanapbuhay ang pagkanta balang araw. Gawing propesyon at pagkakitaan. At pagdating ninyo sa estadong ’yun, huwag ninyong kalilimutan ang taong tumulong sa inyo dahil lubhang napakaimportante nito. Huwag kalilimutan ang utang na loob. Kailangan ’yan sa inyong propesyon para kayo ay pagpalain pang lalo ng Diyos,’’ sabi ni Kuya Germs.
Ang mga carrier songs ng album ay ang mga awiting Ibon at Sinusuyo, Niyayakap na parehong malapit nang marinig sa himpapawid sa FM radio.