MANILA, Philippines - Sa pagtatapos ng kritikal at makasaysayang automated elections ng bansa, mas pinagkatiwalaan at tinangkilik ng mga manonood ang Eleksyon 2010, ang election coverage ng GMA 7.
Nakuha ng Eleksyon 2010 ang TV ratings average na 12.3 mula May 10 to 11 base sa Mega Manila Household ratings mula sa AGB Nielsen. Ang May 10 average ng Eleksyon 2010 ay mas mataas din, 12.5.
Sa sumunod na araw, mas umarangkada ang election coverage ng GMA at umangat ng 3.5 %.
Noong May 10, ang Kapuso primetime newscast na 24 Oras Eleksyon 2010 ay pumalo ng rating percentage na 33.7.
Ang pangunahing dahilan kung bakit tumutok ang mga manonood sa Eleksyon 2010 ay ang patas at komprehensibong pagbabalita at ang mabilis at maaasahang partial at unofficial count na palaging nauuna sa paglalabas ng pinakabagong bilang mula sa election returns mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Mas marami ring remote points mula sa iba’t ibang dako ng Pilipinas ang Eleksyon 2010 coverage. At tuluy-tuloy ang serbisyong totoo dahil sa pagbabalitang hindi bumitaw mula 5:00 a.m. ng May 10 hanggang tanghali ng May 11.
Tampok din sa kanilang coverage pinakabagong teknolohiya tulad ng touch screen, virtual screen, immersive 3D graphics at hologram effect – kauna-unahan sa kasaysayan ng telebisyon sa Pilipinas. Nakilahok din ang publiko sa pagbabalita sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga Election Day pictures at videos sa Youscoop at sa pagtawag sa Action Center nila para i-report ang mga election day incidents at humingi ng tulong sa mga election lawyers.
Ang Bilog na Hugis Itlog, ang voter education project ng GMA, ay kinilala sa lakas ng positibong epekto nito sa mga botante. Hindi iilan sa kanila ang umaawit ng jingle papunta sa kani-kanilang presinto para matandaan ang tamang proseso ng pagboto.