Direktor ng Discovery Channel, pinakita ang obra tungkol sa Pasig River

MANILA, Philippines - Sa unang pagkakataon, ipinakita ng mga tanyag na direktor sa mundo na sina Brillante Ma. Mendoza ng Pilipinas at Lisa Harney ng Australia ang mga nilikhang infomercial tungkol sa kalagayan ng Ilog Pasig noong Huwebes (May 20) sa Powerplant Mall.

Sina Mendoza at Harney ang dalawang bagong katuwang ng Kapit Bisig Para sa Ilog Pasig, ang proyekto ng ABS-CBN Foundation at Department of Environment and Natural Resources sa pamamagitan ng Pasig River Reha­bilitation Commission.

Kilala si Harney sa mga dokumentaryo tungkol sa relihiyon at kasaysayan na naipalabas na sa mga sikat na channel tulad ng BBC at Discovery Channel. Si Mendoza naman ay kapapanalo sa 24th Fribourg International Film Festival at sa 11th Las Palmas de Gran Canaria In­ter­national Film Festival para sa pelikula niyang Lola.

River Goddess ang tema ng infomercial ni Harney, na gumawa rin ng doku­mentaryo tungkol sa mga River Warriors o mga volunteers na magbabantay at manga­ngalaga sa Ilog Pasig. Aniya, importanteng pangalagaan ng tao ang kalikasan dahil ito ang pinagmumulan ng ating ikinabubuhay.

Tampok naman sa infomercials ni Mendoza sina Karen Davila, Kim Atienza, Coco Martin, Zaijan “Santino” Jaranilla at maging siya. Ani Mendoza, nais niyang magbago ang pagtingin ng mga tao sa Ilog Pasig para maengganyo rin silang pangalagaan ito.

Ayon kay ABS-CBN Foundation Inc. managing director Gina Lopez, ipapalabas ang mga obra maestra nina Harney at Mendoza sa mga sinehan at sa ABS-CBN Channel 2 para himukin din ang publikong makiisa sa pro­yek­to.Bukod sa mga infomercials, ipinalabas din sa screening ang pelikulang Lola ni Mendoza.

Show comments