I’m sure ngayon pa lamang ay ninenerbiyos na si Carla Abellana dahil magiging napakalaki ng expectation sa kanya ng mga manonood kapag nagsimula nang umere ang Basahang Ginto sa Lunes, Mayo 24. Ito ang pinakabagong Sinenovela Presents na mapapanood sa Dramarama sa Hapon ng GMA 7, pagkatapos ng Gumapang Ka Sa Lusak. Isa itong nobela sa komiks ng pamosong si Mars Ravelo na ginawang pelikula nung early 50’s starring Alicia Vergel at nanalo ito ng best actress for her role.
Hindi naman imposible na ma-duplicate ni Carla ang achievement ni Alicia Vergel. Magaling ang director ng Basahang Ginto na si Joel Lamangan at marami nang artista ang nanalo ng acting awards sa paggabay niya.
Sa mga nakaraang proyekto ni Carla, kinapansinan na siya ng mahusay na pagganap. Bilang Orang magkakaroon siya ng isang kamangha-manghang transpormasyon, mula sa pagiging isang simpleng katulong gaganda siya’t magiging isang sikat na personalidad.
Makakatambal ni Carla sa ikaapat na pagkakataon ang kanyang paboritong leading man na si Geoff Eigenmann na gagampanan ang role noon ni Pancho Magalona. Bagaman at walang maaming relasyon ang dalawa bukod sa pagiging magkatambal nila sa mga ginagawa nilang proyekto, marami ang naniniwala sa makatotohanang pagganap nila bilang magkasintahan.
Bukod sa napakagandang kuwento ng Basahang Ginto, mai-in love ang mga manonood sa napakagandang theme music ng serye, ang Kung Mayroong Pangarap na kinatha ni Danny Tan para sa silver anniversary ni Kuya Germs (Moreno) maraming taon na ang nakakaraan. Buong puso itong inalok ni Kuya Germs para sa serye nang marinig niyang naghahanap ng angkop na awitin na magagamit para rito. Ang pagkakakanta dito ng La Diva ay lalong nagpaningning sa kagandahan ng awitin at magpapaningning sa ganda ng serye.
Itatampok din sa serye ang pagbalik ni Samantha Lopez o mas kilala sa pangalang Gracia nung siya’y nagsasayaw pa sa TV. Sa US na naka-base si Samantha simula nung siya’y mag-asawa pero bumabalik-balik ng bansa para lamang mairaos ang kanyang hilig sa pag-arte. Itinanggi niya na siya’y hiwalay na sa kanyang asawa. Magkasama pa rin daw sila at suportado nito ang kanyang pag-aartista. Pagkatapos ng kanyang role sa Basahang Ginto ay babalik siya agad ng US to join her husband.
Balik-Kapuso naman si Charming Lagusad matapos pumakabilang bakod pansamantala. Kung natatandaan n’yo, siya ‘yung gumanap ng batang Bakekang.
* * *
May bagong kontrabida ang Siete sa katauhan ni Vaness del Moral. Maganda ang role niya sa Gumapang Ka Sa Lusak bilang kapatid ni Jennylyn Mercado na kinababaliwan ng anak ng mayor na ginagampanan ni Mart Escudero.
Hindi pa alam ni Vaness kung gaano kasalbahe ang kanyang role pero sinabi niyang kakayanin niya ito. Matagal na niyang hinihintay ang ganito kagandang break kaya hindi niya ito babasta-bastahin.
Inspired si Vaness dahil going strong pa rin ang relasyon nila ng boyfriend niya na si Biboy Ramirez. Isang taong mahigit na sila. Hindi apektado ang friendship nila ni Jackie Rice, ex ni Biboy.
* * *
Natatandaan n’yo pa ba ‘yung batang kinagiliwan n’yo sa Agua Bendita?
Siya si Xyriel Manabat at papatunayan niya na totoo ngang ‘Great things come in small packages’ sa kanyang pagbibida sa kagigiliwang primetime series sa ABS-CBN, ang Momay.