MANILA, Philippines - Talagang dinarayo ang La Bella Rosa Flores de Mayo kaya ang blow by blow account ng Santacruzan na ito ay kinunan at mapapanood ngayong Linggo alas-diyes ng umaga sa Life and Style with Gandang Ricky Reyes.
Ginanap sa SM Mall of Asia ang natatanging Santacruzan noong May 9, 2010 sa pakikipagtulungan ng Department of Tourism at Congregacion Santisimo del Niño Jesus na ang founding chairman ay ang fashion icon na si Ben Farrales. Umabot sa 30 top Pinoy designers ang lumikha ng mga gowns na isinuot ng mga sagalang beauty queen, fashion and ramp model at mga taga-showbiz na tulad nina Kris Bernal, Sarah Lahbati, Rich Asuncion, Wendy Valdez, Bianca Umali, Aljur Abrenica, at Steven Silva.
“Kahanga-hanga ang talento at artistry ng mga Pinoy designers, hairdressers at cosmetologists. Siyempre, wala kang itulak-kabigin sa ganda ng mga sagala at kamachuhan ng mga escort nila. Pero ang pinakamahalaga’y ang pagpapatuloy ng sagalahang ito para muling gunitain at parangalan ang ating Mahal na Birheng Maria,” sabi ng LSWGRR host-producer na si Mader Ricky na taun-tao’y di kinaliligtaang panoorin ang La Bella Rosa Flores de Mayo.
Sa rami ng mga taong nanood ay inabot din ng mahigit tatlong oras ang prusisyon bago ito dumating sa end point na Music Hall ng MOA kung saan ginanap ang awarding ceremony para sa mga lumahok na ang emcee ay si Leo Martinez. Nagkaroon din ng contest para sa mga photographer na ang winner ay ihahayag sa buwang ito.
* * *
Pinilahan ng husto sa takilya ang pelikulang Here Comes The Bride.
Sa unang araw pa lamang ng pelikula, naka-gross na ito ng P12M at patuloy pa ring tinatangkilik hanggang ngayon sa 100 na sinehan nationwide.
“Nagpapasalamat po kami ng marami sa mga tumangkilik. Talaga pong pinaghirapan namin ito para mabigyan kayo ng bonggang kasiyahan ngayong summer,” sambit ni Angelica Panganiban, isa sa mga pinakamainit at versatile na aktres ngayon, sa isang interview.
Tuwang-tuwa rin si Eugene Domingo sa mga papuring nakukuha ng pelikula mula sa mga movie critics.
Nagpamalas din ng kani-kanilang husay sa akting sina Tuesday Vargas bilang isang bisayang yaya na naging sosyal na ninang cum attorney, Jaime Fabregas bilang sakitin at mayamang lolo na naging bisayang yaya at si John Lapus bilang image stylist na naging mayamang lolo.
Spy nasa video na!
Paano kung ang kilabot ng mga kriminal ay mapapasabak sa mga nagkukulitang mga bagets?
Si Bob Ho (Jackie Chan) ay datihang CIA agent na may karelasyon na single mom na si Gillian (Amber Valletta). Nang kinailangan ni Gillian na umalis pansamantala, nagprisinta si Bob na maging babysitter ng kanyang tatlong anak upang mapalapit siya sa mga ito. Huli na nang malaman ni Bob na hindi madali ang mag-alaga ng mga bata. Sa katunayan, mas madali pa para sa kanya ang manghuli ng mga kriminal. Ngunit hindi rin magtatagal at iyon nga mismo ang gagawin ni Bob sapagkat hinahabol ng mga Russian terrorists ang isa sa mga anak ni Gillian nang may makuha itong secret code.
Kapansin-pansin ang pagganap nina Madeline Carroll, Will Shadley and Alina Foley bilang mga anak ni Gillian.
Kasama rin sa pelikula ang actor-singer na si Billy Ray Cyrus. Ang direktor ay si Brian LeVant, na nakilala sa mga pelikulang pampamilya tulad ng Beethoven and The Flintstones.
Ang The Spy Next Door ay mabibili na sa DVD sa halagang P375 at VCD sa halagang P275 sa mga paboritong video stores.