Anjo hindi nakaka-recover, nagluluksa pa rin
Alam mo, Salve A., base sa mga pahayag na binitawan ni Kris Aquino sa The Buzz last Sunday, may higing kami na magpapaalam na siya sa kanyang dalawang showbiz talk shows sa ABS-CBN, ang The Buzz at SNN kung saan niya parehong kasama ang kanyang best friend na si Boy Abunda. Kahapon, Martes ay kinausap ni Kris at ng kanyang mga nakakatandang kapatid na babae na sina Ballsy, Pinky at Viel ang top management ng ABS-CBN sa kanyang plano na may kinalaman sa pagkakapanalo ng kanyang kaisa-isang kapatid na lalaki na si Sen. Noynoy Aquino bilang pinakabagong pangulo ng Pilipinas. Hindi man nag-elaborate si Kris sa kanyang mga pahayag, klaro ang kanyang binitawang mga salita na balak niyang tumulong sa kanyang kapatid in terms of public service.
Come July 1, si Sen. Noynoy na ang uupong pangulo kaya malamang na hanggang June 27 na lamang mapanood si Kris sa The Buzz at hanggang June 30 na lamang sa SNN o kung hindi man, hanggang June 25 (Biyernes). Kapag ito’y nangyari, tiyak na malaking kawalan si Kris sa larangan ng telebisyon lalo na sa bakuran ng ABS-CBN.
Although nothing is final hangga’t hindi si Kris mismo ang personal na naga-announce sa kanyang final decision.
* * *
Sobrang apektado si Anjo Yllana sa maagang pagkawala ng kanyang nakababatang kapatid na si Robbie (Robert Francis G. Yllana). Kuwarenta anyos pa lamang si Robbie at kasunod ni Anjo. Sumunod kay Robbie sina Paulie, Jomari at bunsong kapatid na si Ryan. Bukod sa pagkawala ng kanyang kapatid, hindi rin pinalad si Anjo sa kanyang political career nang muli siyang matalo sa pagka-vice-mayor ng Parañaque although nanalo sa pagka-konsehal ang kanyang bunsong kapatid na si Ryan.
* * *
Sayang Salve A. at hindi kami nagpang-abot ni Boy Abunda nang kami ay umuwi sa aming hometown sa Borongan City sa Eastern Samar nung isang linggo. Nakabalik na siya ng Maynila nang kami ay dumating doon at isang masayang balita ang aming tinanggap na nanalo bilang mayor ng aming lugar ang nakatatandang kapatid ng King of Talk na si Fe Abunda. Of course, all out ang naging suporta ni Boy sa kanyang Mana Fe tulad ng kanyang ginawa nang ito’y tumakbo bilang vice-mayor, ganundin ang kanyang inang si Nanay Lising mula sa pagka-konsehal hanggang sa pagiging vice-mayor na kanya namang ipinamana kay Fe.
Malaking factor talaga si Boy sa panalo ng kanyang Mana Fe. Finally, nakarating din ng Borongan si Kris Aquino at sa magarang bahay ni Boy sa Campesao tumuloy ang bunsong kapatid ni president-elect na si Sen. Noynoy Aquino.
Ang outgoing governor ng Eastern Samar na si Gov. Ben Evardone naman ang pinakabagong halal na kongresista.
Sana naman, tulad ng inaasam ng aming mga kababayan sa Eastern Samar ay mapagtuunan ang pagpapaayos ng national highway ng Eastern Samar at maging ng aming pagamutan doon. Maging commercially viable na rin sana ang aming airport na hanggang ngayon ay hindi pa rin nagagamit.
Sana pangatawanan ng mga newly-elected local officials ng Borongan ang kanilang mga binitawang pangako laluna ang pagiging bagong siyudad ng aming lugar.
Gaano man ka-busy ang schedule namin ni Boy na may kinalaman sa aming trabaho, we find time na makauwi paminsan-minsan sa aming beloved hometown kahit napakasama ng daan ng Eastern Samar dahil dito kami isinilang, nagkaisip at lumaki.
* * *
Napakasuwerte talaga ni Aling Dionisia, ang celebrity mom ng People’s Champ na si Manny Pacquiao dahil isa na namang engrandeng birthday party ang ibinigay sa kanya ng kanyang paboritong anak na siya ring nagsilbing blow-out party ni Pacman sa kanyang pagkakapanalo bilang kongresista ng Saranggani. Bukod sa bonggang selebrasyon, isang diamond set na nagkakahalaga umano ng mahigit P800,000 ang regalo kay Aling Dionisia ni Manny.
Kung noon ay dumanas sa matinding hirap si Aling Dionisia sa pagpapalaki sa kanyang mga anak, ngayon naman ay pawang ginhawa ang kanyang tinatamasa dahil sa tagumpay ng kanyang panganay sa larangan ng boksing sa buong mundo.
In fairness kay Manny, isa itong mapagmahal na anak sa kanyang ina. Hiningi rin ng boxing hero ang basbas ni Aling Dionisia na siya’y payagang muling sumabak sa boxing arena laban kay Floyd Mayweather at pumayag naman ang ina pero ito na umano ang kanyang huling laban.
Paano kaya ngayon hahatiin ni Manny ang kanyang oras sa boksing at pulitika?
* * *
- Latest