Hindi ko na pinuntahan kagabi ang presscon ng Lovebug (The Last Romance) dahil una, may meeting ako sa GMA 7 at pangalawa, nalalayuan ako sa venue, sa Sun Cruises sa CCP Bay Terminal.
Importante ang meeting ko sa GMA 7 dahil nakasasalay dito ang show ng isa sa aking mga alaga. May mga problema na dapat maresolba at kung malulutas ito, baka maikuwento ko sa inyo bukas.
* * *
Hindi ako naniniwala na lilipat si Willie Revillame sa TV5 sa lalong madaling panahon dahil hanggang 2011 pa ang exclusive contract niya sa ABS-CBN.
Off the record ang mga kuwentuhan namin nina Willie at Cristy Fermin nang magkita kami noong nakaraang Miyerkules kaya hindi ko puwedeng i-share sa inyo. Basta ang masasabi ko, pinag-aaralan na mabuti ni Willie ang kanyang mga susunod na desisyon.
* * *
Muntik-muntikan nang maging senadora si Akbayan Representative Risa Hontiveros dahil Number 13 siya sa senatorial race.
Nalungkot at nanghinayang ang mga supporter ni Mama Risa (kabilang na ako dahil ibinoto ko siya) pero siya mismo ang nagsabi na walang dapat ikalungkot dahil tuloy ang kanyang laban.
Maluwag sa loob na tinanggap ni Mama Risa ang kanyang pagkatalo. Ipinaabot pa niya ang pagbati sa tatlong senador na ipinroklama kahapon ng COMELEC, sina Senator Serge Osmeña, Senator Lito Lapid at Senator TG Guingona. Kahanga-hanga ang kanyang sportmanship ‘huh!
* * *
Maraming salamat sa lahat ng bumabati sa akin ng happy birthday pero may correction please ako, bukas pa at hindi ngayon ang aking kaarawan.
Wala akong balak na magkaroon ng birthday celebration dahil ang feeling ko, graduate na ako sa mga showbiz birthday party pero tumatanggap pa rin ako ng mga birthday gift, in cash and in kind.
May kasabihan na it’s better to give than to receive at totoo ito pero matagal ko nang binago ang motto na ‘yan dahil it’s better to give but it’s much better to receive, receive and receive!
* * *
Tuwang-tuwa si Jay-R nang malaman nito na may replay na gabi-gabi ang kanyang dating game show na Take Me Out.
Happy si Jay-R dahil mas marami na ang makakapanood sa Take Me Out na dalawang beses nang ipinalalabas sa GMA 7 sa isang araw.
Matagal bago nabigyan si Jay-R ng sariling show kaya pinagbubuti niya para hindi masira ang tiwala ng mga boss ng GMA 7.