Mukhang bumibilis na ang usad ng career ni Frencheska Farr. Isa na siya sa pambatong performer ng Party Pilipinas. Napapansin na siya ngayon ‘di tulad noon na one of those lang siya.
Lalo siyang pag-uusapan ngayong bida siya sa kauna-unahang original movie musical sa Pilipinas, ang Emir, na magkatuwang na itinataguyod ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) at ng Cultural Center of the Philippines (CCP) at nasa direksiyon ni Chito Roño. Bukod kay Frencheska, kasama rin sa cast sina Dulce, Beverly Salviejo, Liesl Batucan, Melanie Dujunco, Kalila Aguillos, at Julia Clarete.
Yaya na OFW ang role ni Frencheska, tagapangalaga ng anak ng isang sheik. Sa paglaki ng bata, natutunan niya sa kanyang yaya ang wikang Pilipino, nakilala ang kultura at values ng Pilipino. Naging parang nanay siya ng kanyang alaga at walang hindi gagawin para protektahan ito. O di ba ang ganda ng kuwento?
Kasama rin sa pelikula at dumaan sa matinding audition sina Sid Lucero, Jhong Hilario, Gigi Escalante, Bayang Barrios, Bodjie Pascua, Emil Sandoval, Ned Hourani, Valerie Bariou, Ali Rasheki, Joshua Elias Price Hourani, at Mahdi Yadzian Varjani.
Tinalo ni Frencheska sa audition ang dalawang sikat na Kapamilya stars para sa kanyang role.
* * *
Hindi naman kay Noynoy Aquino lamang nagbigay ng magandang pananalita ang re-elected governor of Batangas na si Vilma Santos kundi maging sa ama ng kanyang anak na si Luis Manzano na si Edu Manzano.
Magagandang salita ang pakonsuwelo niya sa dating asawa na natalo sa pagka-bise presidente ng Pilipinas. Hindi raw ito dahilan sa kakapusan ng talino ni Edu kundi dahil sa matagal nang pinag-aralan at pinaghandaan ng kanyang mga nakalaban ang posisyon. Pero kung sa senado daw ito tumakbo, malamang nanalo pa ito.
Napaka-generous ni Gov. Vi, kaya love siya ng kanyang constituents. Nakakatuwa ring makita na nananati silang magkaibigan ni Edu kahit nagkahiwalay sila.
* * *
O hindi lamang pala guest host ng Wowowee si Robin Padilla. May mahalagang misyon pa rin ito sa network, ang mapagbati ang host na nag-iwan sa Wowowee at si Jobert Sucaldito.
Magtagumpay naman kaya? Mapapabalik ba niya ang nagagalit na host na wala naman palang offer mula sa Singko?
Nagpalipad kasi ng balita ang maraming kaalyado ng host na lalabas ito sa kalabang istasyon at nagparamdam na interesado itong maging Kapatid siya. Pero lumalabas na hindi naman pala totoo.