Impostor... makikilala na!
MANILA, Philippines - Sa unang anibersaryo ng programang nagpakilig at nagpaibig sa bawat Pilipino — ang Precious Hearts Romances Presents, inihahandog ang seryeng hango mula sa isang Martha Cecilia Classic — ang Impostor. Kuwento ito ng isang babaeng napilitang akuin ang pagkatao ng iba at mapamahal sa asawa nito.
Ngayong taglay niya ang kagandahang pinapantasya, paano kung ang mukhang ito’y hindi sa kanya?
Ang panghapong teleseryeng ito’y pinagbibidahan nina Sam Milby at Maja Salvador. Ipinakilala ang PBB Double Up big winner na si Melai Cantiveros at PBB third big placer Jason Francisco. Tampok sina Jon Avila at Precious Lara Quigaman sa isang mas matapang at ’di malilimutang pagganap. Kasama rin sina Bobby Andrews, Long Mejia, Yayo Aguila, Raquel Villavicencio, at Izzy Canillo.
Maraming “una” sa proyektong Impostor. Unang tambalan nina Maja at Sam. Unang pagsabak sa drama ng mga reality stars na sina Melai at Jason. Higit sa lahat, ito ang unang pagkakataon ng Drama Sweetheart na si Maja na gampanan ang dalawang papel — ang probinsyanang si Devin at ang sikat na modelong si Mariz.
Isang acting challenge na matapang na tinanggap ng aktres. “Excited ako dito sa Impostor,” pagbabahagi ni Maja, “kasi may dalawang magkaibang karakter ako dito. Si Mariz, sobrang sexy; si Devin naman kengkoy.”
Komento naman ni Maja sa sa makakatambal sa unang pagkakataong si Sam, “Masuwerte ako kasi sa dami ng mga artista sa generation namin ngayon, pumayag si Sam na ako ang makapareha.
Maging ang Prinsipe at Prinsesa ng Masa na sina Jason at Melai ay excited sa kanilang unang pagsabak sa drama. “Sobrang saya ko talaga. Una kasama ko ang mga idol ko na sina Maja at Sam. Tapos binigyan kaagad kami ng pagkakataon sa isang teleserye,” ayon kay Jason na gaganap bilang ang simpleng mangingisdang si Popoy.
Ayon naman kay Melai, na gagampanan din ang papel na Devin, “Sobrang bait (nina Sam at Maja). Love na love nila kami kasi palagi nila kaming ginagabayan. Napakarami na po nilang naituro sa amin na iba’t ibang style at technique sa drama.”
Ang natatanging obrang ito ay sa direksyon ni Jerome Chavez Pobocan. Abangan ang bagong mukha ng pag-ibig, Impostor, weekdays sa Hapontastic simula ngayong Lunes, May 17, 3:45 p.m., pagkatapos ng PBB Teen Clash 2010 UBER.
- Latest