Sa kabuuan, maganda naman ang naging resulta ng tinatapos pang eleksiyon. Mabilis na lumabas ang resulta kahit pa nakaranas ng matinding pagod ang mga bumoto. Binigyan naman ng konsiderasyon ang maraming senior citizens dahil kahit anong oras silang dumating sa mga presinto nila ay agad silang pinaboboto pero ’yung mga medyo kabataan pa ay pumila ng hindi kukulangin sa dalawang oras para lamang makaboto.
Unfortunately, tinanggap na lamang ng mga hindi nakaboto ang kanilang kapalaran dahil wala ni sinuman sa mga nakatalaga sa mga presinto ang may paliwanag tungkol dito.
Dalawa sa pamilya ko ang hindi nakaboto dahil nga wala sila sa list of voters.
Nung umaga, may isang kandidato na namahagi ng pera para lamang huwag nang bumoto ang mga tumanggap at manatili na lang sa kanilang mga bahay. May isa pa ring lalaki sa aking presinto ang dinala ng mga pulis dahil bumibili ng boto.
Nakalulungkot na sa dinami-dami ng mga artistang nakikitang mananalo sa eleksiyon na tulad nina Vilma Santos, Herbert Bautista, Lucy Torres-Gomez, Manny Pacquiao, Bong Revilla, Jinggoy Estrada, ER Ejercito ay namiligro pa ang kandidatura ni Cesar Montano sa Bohol.
Sa kabuuan, masaya na ang mga tao sa kinahinatnan ng eleksiyon. Surprising ang biglang pagbulusok ni former Pres. Joseph Erap Estrada sa pagka-pangulo at naunahan pa niya sina Manny Villar at Gibo Teodoro na inaasahang mahigpit na makakalaban ni Noynoy Aquino.
Malaki ang nagawa ng infomercial ni Erap na kung saan nakitang nag-sorry sa kanya sina Tita Cory Aquino at ang simbahang Katoliko. Obvious na may nagawang kasalanan sa kanya ang mga nabanggit pero mas marami ang pumili sa isang bagong pangalan at wala pang karanasan para pamunuan sila. Lahat sila ay nagdarasal na sana may kapuntahan ang ginawa nilang desisyon.
* * *
Talk of the town na naman si Snooky Serna hindi lamang dahil sa nakikita siyang naglalaro ng EGames kundi sa sinabi niyang hindi imposible na magmahal siya ng isang kapwa niya babae kapag nakakita siya ng magugustuhan niya.
Kung sakali, hindi siya nag-iisa rito, maraming katulad niyang babae ang nakakita na ng langit sa piling ng kapwa nila babae na katulad din ng maraming lalaki na nagsasama ngayon bilang mag-asawa. May iba pa nga na nagpakasal pa para makumpleto ang kanilang ugnayan.
Tatlong ulit nang nasasawi sa pag-ibig ng lalaki ang maganda pa rin at magaling na aktres. Hindi ko sinasabi na tama at kinukunsinti ang pagsasama ng dalawang tao na may parehong kasarian pero kung sa ganitong paraan sila lumiligaya, sino tayo para pigilan sila?
Bahala na lamang ang Diyos na humatol sa kanila pagdating ng panahon.
* * *
Usap-usapan pa rin ang hidwaang nagaganap between the host of Wowowee at ni Jobert Sucaldito. Ang ipinagtataka ng marami ay kung bakit wala pang ginagawa ang ABS-CBN tungkol dito. Sino ba ang pahihingin ng sorry kanino? Sa haba nang pananahimik ng network, kinakailangan na siguro nilang magsalita ngayon para mabigyan na ng linaw ang lahat.
* * *
Bakit naman pinagkakaisahan ng isang grupo si Pauleen Luna na siguro ay dahilan ng kanyang pagkakasakit lately? Mahirap talaga ’pag may kinikimkim kang sama ng loob, lumilitaw ito bilang sakit.
At bakit ang pag-aaway ngayon ay idinadaan sa Internet? Para sa akin kaduwagan ito. Kung may sama ka ng loob o galit sa isang tao, dapat harapin o komprontahin mo siya. Mas madaling resolbahin ang mga problema sa ganitong paraan, wala pang masyadong nakikialam at nakakaalam.
’Yung mga artista namang nag-aaway-away, tigilan n’yo na ’yan! Magkasundu-sundo na kayo. Nakakahiyang nag-aaway kayo sa Internet. It’s like washing your dirty linens in public. Lalong kahiya-hiya kung ang pinag-aawayan n’yo ay isang lalaki.