Ang suwerte ng aktres na ito dahil kahit pumirma na siya ng non-exclusive contract sa TV5, kinuha at bibigyan pa rin siya ng soap nang iniwang network. Ang aktres lang yata ang bukod tangi sa mga lumipat sa Singko ang hindi pa rin binitawan ng dating pinagtrabahuhang network, kaya tuwang-tuwa ito.
Kaiinggitan ang aktres dahil mapapanood pa rin siya sa dalawang networks at kung sa TV5 nagko-comedy siya, sa dati niyang network ay magda-drama pa rin siya na lagi niyang ginagawa sa mga naunang shows niya.
So, hindi lang Kapatid ang aktres, isa rin siyang…ay bawal pang magbigay ng clue. Basta remake ng isang drama movie ang pagbibidahan niya sa babalikang network.
* * *
Hindi kaya ma-offend ang mga ex-GFs ni Mark Herras sa sinabi nitong mula nang dumating sa buhay niya ang current girlfriend na si Ynna Asistio, naging tama ang lahat sa buhay niya at magaan ang takbo ng buhay at career niya?
Kung pusong mamon at gustong mag-ingay nina Jennylyn Mercado, Cristine Reyes, Lian Paz, Ryza Cenon, at Rhian Ramos, puwede silang mag-react at awayin si Mark dahil parang negative sa kanila ang sinabi nito.
Dagdag pa ni Mark, galit kay Ynna ang mga fans nila ni Jennylyn, kaya umaasa itong tatanggapin nila si Ynna na kaparte na ng buhay ni Mark. Oo nga naman, bakit si Jennylyn, pinapayagan ng mga fans nila ni Mark na makipagrelasyon kay Dennis Trillo, bakit si Mark hindi puwedeng mag-GF? Unfair ha!
Sa pictorial at shoot ng teaser ng Langit sa Piling Mo sa NAIA 3 na-interview si Mark na masaya na hindi pa man tapos ang Diva ay may bago na naman siyang show sa GMA 7. Sa bagong soap, si Heart Evangelista ang makakapareha ni Mark.
* * *
Sa isang interview, nabanggit ni Kris Aquino na sa May 17 babalik na siya sa SNN, ang Monday to Friday entertainment show nila ni Boy Abunda sa ABS-CBN. Matatandaang pansamantalang iniwan ni Kris ang show para mag-concentrate sa pagtulong sa kampanya ng kapatid na si Sen. Noynoy Aquino.
If ever, mas mapagtutuunan ng pansin ni Kris ang SNN dahil ang The Buzz na lang ang regular show niya at wala na siya sa Kung Tayo’y Magkakalayo. Wala rin muna siyang balak gumawa ng soap dahil security risk ’pag nanalo ang kapatid.
Tiyak na maraming kuwento si Kris sa SNN at naalaala naming ipinangako nitong gagawa siya ng blog at dun ikukuwento ang lahat ng experience niya sa pangangampanya.
* * *
Hindi kasama si Jake Vargas sa Pilyang Kerubin, ang next soap ng mga kaibigan at kasama sa First Time na sina Barbie Forteza at Joshua Dionisio. Sa soap nina Rhian Ramos at Aljur Abrenica isasama si Jake at bibigyan ng sariling ka-loveteam.
But nothing to worry ang mga fans nina Barbie, Joshua, at Jake dahil magkakasama sila sa launching movie nila sa GMA Films na may working title na at may October playdate. Gagawin ang movie after Pilyang Kerubin at si Bea Binene ang kapareha ni Jake.
Ibinalita rin ni German Moreno, manager ni Jake na magre-record ng album ang young actor sa GMA Records. Kinukuha rin ng Dyna Music si Jake, pero ang offer ng GMA Records ang tinanggap nila dahil Kapuso talent nga naman ito.