Matatapos na ang linggo, pero wala pa rin ang hinihintay na announcement ng GMA 7 sa dalawang directors na papalit sa nag-resign na si Louie Ignacio, na magdidirek ng Party Pilipinas. Si Rommel Gacho pa rin ang director ng Party Pilipinas na mapapanood sa Sunday telecast from the Yñares Gym sa Antipolo City.
Ang tsika, may dalawang directors nang in-offer ang Channel 7, isang Kapuso at isang Kapamilya. Nag-decline na raw ang Kapuso director dahil bukod sa may mga hawak na siyang ibang shows ng Siyete, may gagawin din itong big movie na kailangan ang focus niya.
Ang Kapamilya director ay makikipag-meeting pa sa management at hintayin natin ang magiging resulta nang meeting nila.
* * *
Maraming kuwento si Roderick Paulate sa pangangampanya niya sa 2nd district ng Quezon City, kung saan siya tumatakbong konsehal. Isa sa ikinatuwa nito ang pakiusap ng mga tao na ‘wag iwanan ang showbiz ‘pag nanalo siya.
Kung sabagay, wala naman talagang balak talikuran ni Dick ang showbiz.
May mga binanggit itong TV and movie projects na gagawin niya after elections. Isa rito ang TV show sa TV5 na pagsasamahan nila ni Maricel Soriano at ngayon pa lang, excited na silang gawin ito. Si Maricel daw ang perfect kabatuhan niya ng punchlines at kabisado na nila ang isa’t isa, kaya masaya silang nagtatrabaho.
May movie project din siya sa APT Entertainment, the same producer ng Ded Na Si Lolo na nagpanalo sa kanya ng Best Performance by an Actor in a Leading Role (Musical or Comedy). Bukod sa project ng APT Entertainment, may three movie projects pa si Dick na dumating bago pa siya nag-decide pumasok sa pulitika na tinanggap niya lahat.
* * *
Katuwa ang nakaugaliang gawin ng movie/TV director na ito ‘pag pagod na sa maghapon at magdamag na trabaho. Sa halip na magalit, mag-tantrums, sumimangot at magmura na gawain ng karamihan sa mga directors (umamin kayo), ang director na ito, sa ibang paraan pinalilipas ang puyat at pagod.
Kinukuha ng director ang megaphone na gamit-gamit niya ‘pag nagbibigay ng instruction sa cast ng soap o pelikulang ginagawa at bumabanat ng kanta. Tinatapos ng director ang buong kanta at ‘pag ginawa ‘yun, alam na ng staff and crew niya na pagod na ang director at oras na para i-pack-up ang taping o shooting.
Noong hindi pa naiisip ni direk na kumanta, sumisigaw at nagmumura rin siya ‘pag nagagalit.
Mabuti at nakaisip siya ng ibang paraan to release stress.
* * *
Naghain na ng COC o Certificate of Candidacy sa Comelec noong Wednesday si Lucy Torres-Gomez at siya ang papalit sa asawang si Richard Gomez at kakandidatong Congresswoman sa 4th district ng Leyte.
Dahil kapos na sa panahon, itutuloy na lang ni Lucy ang pangangampanya ni Richard bago ito ma-disqualified dahil na naman sa residency issue. Ang ganda ng pahayag ni Lucy na she stands-up for her husband and for the people of Ormoc.
Naalala tuloy namin ang kuwento ng isang friend ni Lucy na nabanggit nito na ang pangarap lang niya’y maging madre o sastre. Hindi niya ini-expect na magiging commercial model siya, mapapangasawa si Richard, naging TV host, columnist at ngayon, pumasok na sa pulitika at kung susuwertihin, uupo sa Kongreso. Nangako si Richard ng suporta sa asawa.