MANILA, Philippines - Eleksiyon na sa Lunes kaya makakapahinga na si Ara Mina sa maraming araw ng pagod sa kampanya.
Na-compensate naman daw lahat ng pagod ng sexy actress dahil mataas ang posisyon nito sa survey tulad ng kapwa niya Kapusong si Alfred Vargas.
At bongga ang ibinigay na suporta ni Cristine Reyes sa kanyang ate.
“Sa mga ganitong pagkakataon, mas maa-appreciate mo talaga ‘yung suporta ng family mo. Si Cristine, she’s always there for me simula pa lang nung nalaman niyang tatakbo akong konsehal. Hindi niya talaga ako pinabayaan,” ayon pa kay Ara.
Anong expectation niya?
“Tama na sa akin ‘yung pumasok sa anim. Masaya na ako dun. Ayokong maging ambisyosa,” sabi ni Ara na si Ms. Joy Belmonte ang dinadalang bise alkalde.
* * *
Speaking of Joy, milya-milya ang layo niya sa kalaban sa pagka-bise alkalde ng Quezon City.
At ang nakakaloka, marami palang mga taga-QC na hindi alam na may kalaban si Joy.
Yup, akala nila tumatakbong unopposed si Joy.
Well, ibig sabihin, name lang ni Joy ang matunog.
* * *
Nagtipon-tipon ang mga hairdressers sa bansa sa pangunguna ni Mother Ricky Reyes kahapon. Ang rason – nagbigay ng victory party sa mga nanalo sa katatapos na Hair and Make Up Trends event ng FilHair Coop na pinamumunuan niya (RR). Present sa nasabing pagtitipon si Ms. Korina Sanchez-Roxas.
Ang connection : matagal nang kaibigan ni Mother Ricky at ang lady broadcaster. And for the first time ay nag-endorso ng pulitiko ang pamosong hairdresser ng bansa at ito nga ang hubby ni Ate Koring na si Sen. Mar.
“Korina is a very good friend of mine. Anak-anakan ko siya noong 80s pa. I was the one who advised Mar to marry Korina. One time pinatawag nila akong mag-dinner. Sila-sila lang. Si Ms. Judy (Araneta), si Mar at si Korina, at dalawang kapatid ni Mar. Tinanong ko siya, ‘kelan kayo pakakasal ni Korina Mar,’ doon ko nakita si Korina na parang kinse anyos na hiyang-hiya. After that, nalaman ko na lang na ikakasal na sila. Nakatanggap ako ng invitation, pero hindi ako nagpunta,” recalled Mother Ricky habang kausap ang kanyang mga members sa FilHair kung saan ginanap din ang awarding ceremonies ng mga nanalo.
“I’m like a surrogate mother to the two. And kung surrogate mother ka, dapat alagaan mo ang mga anak mo. Mar is like a son in law and I saw how happy Korina is with him,” sabi ni Mother R.
Nagpapasalamat si Korina sa suporta ng grupo sa kanyang asawa na wala raw B sa buhay – as in walang bisyo na ikinatawa ng lahat dahil akala nila ay pinariringgan niya ang kalaban ng asawa.
Actually, parang pulitiko na ring magsalita si Korina. Kumpara noong naga-anchor pa lang siya. Nawala ang tapang sa kanyang hitsura. Napapatawa niya ang mga kalipunan ng mga bading na present doon.
Pero sabi niya, hindi na siya nagpapadala sa kawalanghiyaan ng pulitika.
* * *
Tapos na ang kampanya. Eleksiyon na sa Lunes. At isa sa pinaka-masuwerte sa natapos na kampanya ang rapper na si Andrew E. Imagine nakalagare siya ng kampanya sa mga presidetiable.
Yup, at trabaho lang ang lahat. Kumita siya nang walang kinakailangang i-endorso.
Bukod sa pangangampanya sa mga tumakbong presidente, naging visible din si Andrew sa pagtulong sa Kasangga partylist na para raw sa mga micro-entrepreneurs o maliliit na negosyante.
So magkano naman ang naipon ni Andrew E. Nabibilang pa kaya niya?
Tawa lang ang sagot ng rapper na hindi pa rin nawawala sa eksena.