Claudine babymaker na!
MANILA, Philippines - Kung pagiging ina ang pag-uusapan, isa si Claudine Barretto sa maituturing na isa sa pinaka-devoted na nanay sa showbiz. Kitang-kita ang dedikasyon at pag-aruga niya sa dalawang anak na sina Santino at Sabina.
Sa katunayan, di lamang sina Santino at Sabina ang nakararanas ng pag-alaga ni Claudine. May lisensiya kasi para mag-ampon ang mag-asawang Claudine at Raymart Santiago kaya paminsan-minsan ay nag-a-adopt sila ng mga baby sa kanilang tahanan hanggang sa may mahanap nang adoptive parents ang bahay ampunan.
Malayo sa tunay na buhay ang role na gagampanan niya sa kaniyang drama anthology ngayong Sabado, dahil isang baby maker ang magiging papel ni Claudine.
Sa kuwento, dating babymaker si Salve (Claudine Barretto) na ngayon ay may malubhang karamdaman at tinaningan na ang buhay. Bago siya mamatay, hiling niya na makapiling kahit sandali ang anak na hindi na niya muling nakita.
Puspos ang paghahanap ni Salve sa mag-asawang nag-alaga sa kaniyang anak hanggang sa mahanap niya ito at nag-apply bilang yaya. Walang kaalam-alam ang asawa ng lalaking nag-offer sa kaniya noon na maging surrogate mother na siya ang tunay na ina ng batang kinupkop at inalagaan nila.
Biglang umuwi ang asawa ni Rowena (Carmina Villaroel) at natagpuan si Salve sa bahay nila. Pinahuli siya sa pulis sa pag-aakalang gusto niyang nakawin ang bata. Subalit nang malaman nila ang tunay na kalagayan ni Salve ay hinayaan na nila itong makapiling ang anak kahit sa kaunting sandali na lamang.
Ang episode ay mula sa direksiyon ni Joyce Bernal ay mapapanood ngayong Sabado sa Claudine pagkatapos ng Pinoy Records sa GMA 7.
- Latest