MET kailangan ng magdo-donate ng silya
Sa pagbubukas muli ng Metropolitan Theater o MET na binasbasan kamakailan, mas lalong nadagdagan ang bigat ng responsibilidad na kailangan naming dalhin para ilagay ang lugar in top shape.
Unang-una na kailangan ng malaking pondo. Maraming dapat kumpunihin sa MET na mangangailangan ng malaking pera. Oo nga at nagbibigay ng pondo ang gobyerno pero hindi pa rin ito sapat para maibalik ang MET sa kanyang dating magandang kaayusan.
Sa akin na-assign ang paglagay ng mga silya sa loob ng teatro, 700 silya ang kailangan. Kaya wala akong pinalalampas na kakilala at kaibigan, lahat hinihingian ko ng donasyong silya. May mga nagbigay na ng pangako.
Si Richard Gutierrez, nangakong magbibigay ng 20 silya. Huwag n’yong hamakin, mahal ang halaga ng bawat silya, kaya nga kakaunti ang makaka-afford! Kung mura lang ito, baka hindi mahirap mangalap ng 700 chairs. Hindi kasi ito ordinaryong silya, ito ’yung mga inuupuan sa mga sinehan na may makapal na upholstery, may armrest, at may makapal na bakal na mga paa.
Ilan pa sa mga nangakong magbibigay ay sina Mike Enriquez,10; Dingdong Dantes, 20; Joel Cruz, 50; Howard at Tess Celestino, 4; Isko Moreno, 80; Pugad Lawin ng Calamba, 4; at Gabby Concepcion, 20. Magbibigay din daw ang GMA 7 kaya hihintayin ko na lang.
Tinatawagan ko pa rin ang lahat ng mga kapatid sa hanapbuhay, kung kaya ng bulsa n’yo, mag-sponsor naman kayo ng chair para sa MET.
* * *
Hindi buntis si Regine Velasquez. Talagang nasobrahan lang ito ng pagod kaya hinimatay sa taping ng Diva. Tapos sinabayan pa ng migraine.
May kakilala nga akong may migraine na kapag inaatake nito ay tatlong araw hindi nakakalabas ng bahay. Matagal kasi bago mawala ang sakit ng ulo at ang hilo na dulot nito. Bawat hibla ng kanyang buhok ay nag dudulot ng sakit kahit mahipan man lang ng hangin.
Sana nga totoong buntis na siya para magkaroon naman ng fulfillment ang relasyon nila ni Ogie Alcasid. Pero hindi, talagang may sakit lang siya at pagod lang talaga.
* * *
Congratulations kay JayR, nagbunga rin ang kanyang pagtitiyaga at pagiging pasensiyoso, may hino-host na siyang sarili niyang programa sa GMA, ang dating game na Take Me Out, na napapanood araw- araw.
Bagay si JayR sa nasabing show, nakakaya niyang dalhin ito at nagagawa pang interesting ang kanyang trabaho at ang show. Before Take Me Out, walang nag-akalang puwede pala siyang host, ngayon lang.
- Latest