Myrus pasok sa malaking concert ng mga international artists

MANILA, Philippines - Sa siyam na international artists, si Myrus Ra­mirez lang ang tanging Pilipino na napiling mag-perform sa Then & Now: Massive Music Festival 2010 na gaganapin sa May 15 sa SM Mall of Asia concert grounds.

Si Myrus na tinaguriang sentimental prince ng OPM at recording artist ng Viva ay makakasama ng    international hitmakers na sina Jojo, Diana King, SWV, P.M. Dawn, V Factory, Frankie J, Baby Bask, All-4-One at TQ.

“Sobrang excited at saya ko po sa project na ito. Isang malaking karangalan para sa akin na mag-perform kasama ang mga magagaling na international artists,” kwento ni Myrus na tinanghal bilang Asia’s Most Promising Young RnB Performer noong 2008.

Idinagdag pa ni Myrus na puspusan ang paghahanda nito upang matapatan ang performance ng mga nasabing global artists.

“May pressure akong nararamdaman dahil hindi lahat nabibigyan ng ganitong pagkakataon kaya paghahandaan ko itong mabuti,” sabi ng 20-year old singer.

Napili si Myrus ng mga executives ng Divan Media Group, ang producer ng Then & Now, matapos nilang mapanood ang video clips ng artist mula sa kanyang debut concert na The Sentimental Prince: A Tribute to Sentimental Original Pilipino Music na naganap noong Pebrero sa Teatrino sa Greenhills.

Napamangha ni Myrus ang concert producer lalo na nang makatambal nito si Regine Velasquez sa kanyang concert. Inawit nila ang Forever na originally ay ni-record ng Asia’s Songbird kasama ang Concert King na si Martin Nievera.

Ilang linggo pa lamang ang nakakalipas mula nang sabihin ng entertainment mogul na si Vic Del Rosario ng Viva Artists Management at Viva Records na si Myrus ang “next big thing in Philippine music,” ay saka naman nakarating sa singer ang balita na mapapasama siya sa “Then & Now” concert.

“Sana ito na nga ang simula ng marami pang magagandang opportunities para sa music career ko,” sabi ni Myrus na kasalukuyang ginagawa ang kanyang pangalawang album under Viva Records.

Unang nakilala si Myrus dahil sa kanyang rendition ng Sayang, ang 70’s hit ni Claire dela Fuenta

Available na ang tickets para sa “Then & Now” concert sa lahat ng TicketNet at TicketWorld (891-9999) outlets. Para sa karagdagang impormasyon, tumawag lamang sa 389-3708 at 687-0048 Ext. 15099 o mag-email sa info@divanmedia.com. Maari ring bumisita sa www.MassiveMusicManila.com at www.ThenAndNowConcert.com o di kaya ay mag-log-on sa www.divanmedia.com.

Show comments