Parang a matter of life and death ang frantic call na natanggap ko mula sa isang staff ng ABS-CBN. Tanong kasi nito : Totoo nga raw bang sisibakin na sa ere ang soap ni Claudine Barretto?
Literal ngang a matter of life and death. Kelan lang isinilang ang show ni Claudine, heto’t maugong na tsismis tungkol sa pagkamatay nito. Pero tugon ko, wala naman akong nababalitaan tungkol sa cancellation ng Claudine, na nakaka-tatlong episode pa lang as of last Saturday.
Oo nga’t dehado ito sa katapat na Maalaala Mo Kaya, pero napakaaga namang pagsuko sa parte ng GMA 7 kung mawawala ito agad. Besides, it would not seem fair sa talent na sinalo ng network mula sa ABS-CBN.
Pero naalala ko tuloy ang usap-usapan sa bakuran ng GMA bago ini-launch ang show ni Claudine : Isang malaking good luck. At nagkatotoo nga.
* * *
Inaasahan ni Richard Gomez na bukas pa, Martes, ibababa ng Supreme Court ang desisyon kung disqualified nga ba siya o hindi in seeking a congressional seat in Ormoc, Leyte. Pero hindi nga ’yon hinintay ng aktor, at sa halip ay ang misis niyang si Lucy Torres ang kanyang kapalit.
May nasisilip nga lang akong konting problema sa mga advance taping ni Lucy dahil the election season is over. Since she substituted her husband, hindi maaaring ipalabas ang mga ’yon. Kabilang sa mga taped shows ni Lucy ay Sweet Life (sa QTV) at Shall We Dance? (sa TV5). Hindi masyadong maaapektuhan ang PO5 (sa TV5) dahil isang Sunday na lang naman ang nalalabi bago ang halalan.
* * *
Nakatanim pa rin sa isip ng isang manager ang kawalan ng utang na loob ng isang aktor na tumatakbo sa isang local na posisyon. Many years ago, ka-tandem ng kanyang alaga ang bida sa kuwentong ito, na nanagana sa tulong-pinansiyal mula sa una, maitawid lang nito ang magastos na pangangampanya.
Pero talaga yatang may short memory ang aktor. Noong magkasakit ang alaga ng manager, ni minsan ay hindi ito binisita ng ngayo’y kumakandidatong aktor. Ang mas sumama ang loob ay ang manager who, no wonder, is supporting a candidate na kalaban ngayon ng ingratong aktor.