MANILA, Philippines - Bukod sa adhikain na itaguyod ang edukasyon ng mga batang kalye sa pamamagitan ng kanyang kariton, ginawa na ring panata ng CNN Hero of the Year Efren Peñaflorida ang loyalty o katapatan sa bayang sinilangan.
Makikita ang bagong panata (solemn vow or pledge) ng bayani sa TV commercial ng LBC na nagpapakita ng pagbigkas niya ng Panatang Makabayan (Philippine Oath of Allegiance). Layunin ng anunsiyo na ipakita ang pagmamahal sa bayan sa pagbibigay ng tapat na serbisyo.
Ayon kay Efren, ngayon niya lalong naramdaman na ang pagtulong sa nation-building ay ang pinakamportanteng challenge sa bawat Pinoy. Kaya ang personal niyang panata ay ang huwag sumuko para sa bayan at sa mga kababayan.
“Una sa lahat, ang non-negotiable sa panata ko ay ang desisyong hindi ko iiwan ang bansa. I will never give up my country to live in another place. Walang iwanan, pagdating sa bansa natin,” sabi ng high school teacher.
“Ikalawa, parte ng panata ko na patuloy na tumulong sa paraang alam ko. Hindi ko mareresolba ang lahat ng problema pero dahil ako ay guro, I vow to be the best teacher that I can be.”
Kaya hindi titigil ang awardee na street educator sa kaalaman niya. Plano niyang ipagpatuloy sa masteral hanggang doctoral degree ang edukasyon niya.
“Whatever I learn, isi-share ko sa iba pang volunteers o kung sino pa man ang gustong matuto para mas marami pang matulungan,” sabi ni Efren.
Ang pagbibigay ng magandang ehemplo ang mithi ni Efren. Kung kaya niya, kaya rin ng kahit sino dahil, dagdag pa ng bayani, “kaya mo dahil Pilipino ka sa isip, sa salita, at sa gawa.”