Isa kami ni Manay Marichu Maceda sa nakipagpuyatan sa mga taga-PMPC (Philippine Movie Press Club) nung gabi ng Star Awards for Movies. Kahit may commitment si Manay Ichu, talagang hindi siya makaalis-alis hangga’t hindi naa-award-an si Gina Pareño bilang Ulirang Artista.
Sa kumpanya ng mga parents ni Manay Ichu nagsimula ng career bilang artista si Gina kasama sina Dindo Fernando, Bert Leroy, Pepito Rodriguez, Loretta Marquez, at Rosemarie Sonora bilang Stars ’66.
Malayo na ang itinakbo ng career ni Gina na siyang dahilan kung bakit natatag ang PMPC, ’di ba Vero (Samio)?
Magagalit ang namatay na ama ni Manay Ichu na si Dr. Jose R. Perez kung wala ni isa man sa mga Vera Perezes ang darating para magbigay parangal sa magaling na aktres. Napuna nga nito na hindi man lamang nakapaghanda ng pumpon ng bulaklak para kay Gina. Oo nga, walang bouquet si Gina!
Masaya ang awards night ng PMPC. Sa hirap ng buhay ngayon, bilib ako sa organisasyon dahil nakakatagpo pa rin sila ng producer na maglalabas ng kanilang taunang parangal sa mga taga-industriya ng pelikula.
At parang wala akong narinig na reklamo sa mga napili nilang winners. Popular choices at talagang deserving ang lahat ng nanalo. Congratulations sa PMPC sa isang napakahirap na trabaho.
* * *
Ang gagaling din ng napiling mga Stars at Faces of the Night. Talaga namang deserving na mapili sina Lorna Tolentino, Iza Calzado, Bangs Garcia, Luis Manzano, at Jericho Rosales. Although kung napili rin si Ruffa Gutierrez ay okay din. Maganda siya at ang gown niya nung gabi ng Star Awards.
* * *
Muli, nalulungkot ako dahil hindi na naman nakipag-cooperate ang maraming malalaking artista. Dahil ba hindi sila winners, hindi performers, at ayaw maging presentors lamang?
Kung sabagay, sa kahirapan ng buhay, gagastos pa ba sila, magpapatahi ng gown, magpapaayos, gagastos sa gas, at siyempre afterwards, dinner sa labas, eh mga performers lang at hosts ang binibigyan ng honorarium? Eh sumama na lang sila sa kampanya ng mga kandidato sa eleksyon, may bayad pa sila.
Kapag nari-remember ko ’yung nakaraang Oscars, malalaking artista ang dumalo. But then, iba ang Oscars, worldwide ito ’di tulad ng Star Awards na local lang.
* * *
Natatawa na lamang si Dolphy kapag humihingi ng payo sa kanya ang mga anak niya tungkol sa kanilang marriage. Paano kasi never pang nakasal ang hari ng comedy. But nevertheless, hindi maramot sa kanyang advice si Dolphy. Seremonyas lang ng kasal ang wala siya, sa karanasan tungkol sa pagpapamilya, napakayaman niya.
Never nabibigo ang kanyang mga anak kapag may problema sila, lagi silang natutulungan ng ama. Pero sa kabila ng pagkakaroon nang pinagkakakitaan ang kanyang mga anak, generous pa rin si Dolphy sa kanyang pagtulong sa kanila.