May nagkuwento sa akin na naka-post sa Twitter account ni DJ Mo Twister na briefs at hindi panty ang underwear ko.
Nag-guest si DJ Mo sa Startalk noong Sabado pero wala akong natatandaan na sinilipan niya ako. Paano niya nalaman ang secret ko?
Nakita ko ang charm ng TV-radio host nang umapir siya sa Startalk para sa pinagsama na puwersa ng aming show at ng Showbiz Central.
Napaka-professional ni DJ Mo dahil dumating siya ng maaga sa studio hitsurang nasa last gap ang kanyang appearance.
Napag-usapan namin ang paglipat niya sa TV5 at sa tingin ko, nahihirapan siyang magdesisyon. Parang ayaw niya na iwanan ang GMA 7, kahit maganda ang offer ng TV 5.
* * *
Sabay-sabay ang mga imbitasyon kagabi, ang birthday dinner para kay Ricky Lo, ang press interview kay Richard Gutierrez, at ang red carpet premiere ng D’Survivors.
Pupunta si Richard sa New York dahil nag-win ng award ang kanyang TV documentary sa GMA 7 tungkol sa climate change. Personal na tatanggapin ni Richard ang award at kasama niya sa US trip ang mga producers ng award-winning TV documentary.
Sandali lang si Richard sa New York dahil kailangang bumalik siya para sa shooting ng pelikula niya sa GMA Films at Viva Films. Pinaghahandaan na rin ni Richard ang pre-prod ng Survivor Philippines Celebrity Edition.
* * *
Ang pagbabakasyon sa Hong Kong ang unang gagawin ni Atty. Adel Tamano pagkatapos ng eleksyon sa May 10.
Win or lose, dadalhin ni Papa Adel sa Disneyland ang kanyang dalawang anak na lalaki na nami-miss niya ng husto mula nang magsimula ang kampanya.
Kumakandidatong senador ng Nacionalista Party si Papa Adel. Nang mag-umpisa ang campaign, bihira nang makasama ni Papa Adel ang dalawang bata kaya nangako siya na pupunta sila sa Hong Kong Disneyland.
Kapartido ni Papa Adel si Gwen Pimentel na anak ni Senator Nene Pimentel. Abogado rin si Mama Gwen na kinaiinggitan ni Papa Adel dahil buhay pa ang kanyang ama na nagbibigay-suporta sa kandidatura niya.
Nami-miss ni Papa Adel ang kanyang ama na si Senator Mamintal Tamano na dalawang beses na naglingkod sa senado. Kung nabubuhay si Sen. Tamano, siguradong siya ang number one supporter ng kandidatura ng kanyang anak.
Mabibigyan din niya ng mga pointers si Papa Adel na baguhan sa pulitika pero seryoso sa kanyang intensyon na maglingkod sa bayan.
* * *
Si Papa Adel ang lawyer ni Dr. Vicki Belo sa mga kaso nito at naipanalo niya ang lahat ng mga legal cases ni Mama Vicki.
Gusto kong linawin na si Mama Vicki lang ang kliyente ni Papa Adel. Malaki ang akala ng ibang tao na siya rin ang legal counsel ni Dr. Hayden Kho, Jr.
Si Atty. Lorna Kapunan ang abogado ni Hayden at sa mga hindi nakakaalam, isang Kapunan din ang asawa ni Papa Adel, si Atty. Rowena Kapunan.