Nakakuwentuhan namin ang isang family driver ng sikat na aktor pero wala na ito sa kanyang poder ngayon. Matagal-tagal din siyang nanilbihan dito pero hindi na nakatiis sa kalupitan ng aktor.
“Mababa na nga ang suweldo pero nananakit pa. Ilang taon ko ring tinitiis ito, madali siyang magalit, nanununtok sa braso, at kapag tinawag ako at nagkataong wala pa dahil bumibili ng sigarilyo ay tadyak ang aabutin ko. Akala mo ay mabait siya dahil kapag nakaharap sa mga tao lalo na sa kanyang mga fans ay para itong maamong tupa pero kabaligtaran ang ugali sa tunay na buhay,” himutok ng driver.
Clue: Nanggaling siya sa angkan ng mga artista at bata pa ay sikat na sikat na bilang child actor na mahilig sa magagandang babae.
* * *
Maraming nagpatotoo kung gaano kabait at kabuting tao ni Sen. Jinggoy Estrada gaya nina Armida Siguion Reyna, Lorna Tolentino, at Tirso Cruz III sa presscon na bigay ni Mother Lily Monteverde. Kami man ay hanga sa kanya dahil noong 1998 ay nilapitan ng movie press ang magiting na senador para tulungang maitayo ang Movie Writers Welfare Foundation para sa mga kapatid sa hanapbuhay na maysakit at kahit ang mga namatayang pamilya. Hindi ito nagkait ng tulong at nagbigay agad ng seed money para sa foundation na hanggang ngayon ay tuloy pa rin ito sa bagong pamunuan.
Gaya ng kanyang amang si Joseph Estrada, mahal nito ang masa kaya isa sa batas na ipapasa ng senador sakaling mahalal muli ay tungkol sa mga kasambahay kung saan ang pinakamababang suweldo na tatanggapin nila ay P3,000.
Na-touch kami sa kanyang pananalita kung saan sinabing noong 2001 ay kinamumuhian ng mga tao ang kanyang ama na napatalsik sa puwesto dahil naging biktima sila ng tri-media.
“Pero ’di naniniwala ang mga tao dahil nang tumakbo ang aking ina sa senado, nanalo siya at nang tumakbo rin ako sa senado ay nanalo ako,” sabi ni Sen. Jinggoy.
Inamin din ng pulitiko na komportable ito kapag kaharap ang movie press dahil totoong tao ang mga ito, hindi gaya ng pulitika na grabe ang intriga.
Naniniwala siya na puwede pang bumangon ang movie industry basta’t i-subsidize lang ng gobyerno ang industriya ng pelikulang Tagalog.
Sigurado na si Jinggoy na makakapasok sa Top 5 ng mga senador, baka nga No. 2 pa dahil ayon dito, si Sen. Bong Revilla, Jr. ang mangunguna dahil nakatulong ng malaki ang kanyang Panday.
* * *
Isinabay sa kanyang kaarawan noong Biyernes ang pagbubukas ng Fuel Up Bar na pag-aari ni Angel Locsin. Maganda ang restobar at sosyal na sosyal ang dating.
Sa kaarawan ng seksing aktres ay hangad nito ang magandang kalusugan at sana’y sumiglang muli ang kanyang career.
Matatag na matatag ang kabuhayan ng aktres. Napatayuan na nito ang katabing lupa ng kanyang mansion at may napakalaking swimming pool pa. Masinop kasi sa pera si Angel.